IPINOST ni TV Patrol reporter Jeff Canoy ang panayam niya noong 2019 kay Hidilyn Diaz pagkatapos manalo ng gintong medalya sa SEA Games at tinanong nito na ang next target niya sa 2020 Olympics at ano pa ang kailangang gawin.
Ginawa ito ni Jeff pagkatapos manalo ni Hidilyn sa nasabing kompetisyon nitong Lunes ng gabi sa Tokyo Olympics.
Sagot noon ni Hidilyn, “May SEA games gold na ako, may ASIAN games gold medal na ako, so Tokyo 2020, I claim it na maiuuwi ko ang gold medal.” At hindi nga nagkamali ang dalaga sa kanyang wish dahil nakuha niya ang pangarap ng lahat na gintong medalya para sa 55kg weightlifting competition (women’s division).
Tumayo ang balahibo namin habang pinanonood ang pag-award kay Hidilyn ng gintong medalya at nang kantahin na ang national anthem ng Pilipinas, nakaka-proud talaga ang ibinigay nitong karangalan sa bansa sa kabila ng maraming kontrobersiyang nangyayari ngayon bukod pa sa mga pinagdaraanang pandemya lalo’t may bagong COVID variant na naman iba pa ang kaliwa’t kanang pagbaha sa iba’t ibang lugar.
Napanood din namin ang mga kababayang Pinoy na nakaabang sa labas ng Tokyo International Forum at paglabas ni Hidilyn ay talagang naghiyawan sila sa kabila ng pagbabawal ng organizer, pero talagang hindi sila nagpapigil.
Base naman sa panayam sa ating kampeon ay abot-abot ang pasalamat niya sa Panginoong Diyos dahil hindi naman niya magagawa ang lahat ng ito kung hindi dahil sa kanya at sa lahat ng taong sumuporta at tumulong sa kanya sa kabila ng maraming pagsubok na hindi na niya mabilang kung ilan.
“Hindi ako makapaniwala. Nasorpresa ako na nagawa ko ‘yun. Kakaiba si God. Sa lahat ng prayer warriors ko riyan sa Pilipinas, thank you so much.
“At sa team HD at sa lahat ng sumuporta sa akin, thank you so much for believing in me,” tugon ni Hidilyn.
“Huwag kayong sumuko kahit anong challenges at trial ‘yan. Manalangin tayo kay God na magga-guide siya sa atin. Proud to be Pinoy!”
Binanggit sa kanya na Olympic record ang ginawa niya.
“Hindi ko alam na Olympic record na ‘yung ginagawa ko. Hindi rin ako makapaniwala na nandoon ang pangalan ko sa Olympic record so I’m really thankful.
“Sa totoo lang kinakabahan ako baka hindi ko magawa pero the whole day, the whole week sinasabi ko, ‘I believe, I believe’ at saka prepared ako.
“Sa lahat ng pinagdaanan ko pinrepare ako ni God to be strong today. Thankful ako sa Team HD na ginawa akong malakas,” naiiyak na sabi ni Hidilyn.
Si Hidilyn ay 30-year-old tubong Zamboanga City at nakapagtala ng Olympic record na 127kg sa clean & jerk at may total lift na 224kg.
Pinataob niya talaga ang world record holder na si Liao Qiuyun ng China na nakapagbuhat ng 223kg (para sa silver medal) at si Zulfiya Chinshanlo ng Kazakhstan ns nakapag-uwi ng bronze medal.
Kasama sa training ni Hidilyn ang pagtanggal ng mga paborito niyang pagkain tulad ng cheesecake at bubble tea.
Sabi nga niya, “I will eat a lot tonight. I mean I’ve been sacrificing my food, and this is the time to celebrate together with the people who are behind me. So I’m really thankful I can eat now, yes.”
Samantala, instant millionaire si Hidilyn dahil sa mga premyong matatanggap niya mula goberno ng Pilipinas na pinirmahan noon ng namayapang Pangulong Noynoy Aquino, ang R.A 10699 na tatanggap ng P10-M ang gold medalist; P10-M din mula kay Manny Pangilinan; P10-M galing kay Ramon S. Ang; P3-M galing din kay Rep Mikee Romero; P2.5-M mula naman sa Zamboanga LGU; house and lot mula kay POC Pres. Abraham Tolentino, at worth P14-M condo unit sa Eastwood mula sa Megaworld. Sumatotal ay may P35.5-M ang cash na makukuha niya.
ni Reggee Bonoan