62-anyos na lola sa Bulacan nagtapos ng senior high school (Walang imposible)
LUBOS na hinahangaan ang isang lola sa bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan dahil sa kabila ng kanyang edad ay nagawa niyang makapagtapos ng senior high school.
Kinilala si Nanay Jose, 62 anyos na tubong Brgy. Bigte, sa naturang bayan, na binigyang parangal ni Mayor Fred Germar sa nagawang akademikong pagtatapos.
Nabatid na biyuda na si Nanay Jose at tanging mga apo na lamang ang kapiling sa kanyang tahanan na nakatutulong din niya sa paghahanapbuhay.
Bukod sa paggawa ng mga module, inaalagaan niya rin ang kaniyang apo na nakatutulong sa pagtitinda ng frozen items sa kanilang lugar.
Si Nanay Jose ay isang mag-aaral ng Senior High School sa pamamagitan ng Aternative Learning System (ALS).
Isa ito sa mga naging prayoridad ng programa sa lugar, kung kaya hinikayat ni Mayor Germar ang kanyang mga kababayan na patuloy na mangarap at magpatuloy sa landas na tinatahak.
Isa ang lolang si Nanay Jose na naganyak na mag-aral at sa kabila ng edad ay hindi niya ikinahiyang mag-aral at mangarap sa buhay. (MICKA BAUTISTA)