DINAKIP ang isang lalaki matapos ireklamo ng pamboboso sa isang dalagita na naliligo sa banyo ng kanilang bahay sa bayan ng Doña Remedios Trinidad, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 10 Abril.
Sa ulat na ipinadala ni P/Capt. Demosthenes Desiderio, hepe ng DRT Municipal Police Station (MPS), kay Bulacan police director P/Col. Lawrence Cajipe, kinilala ang nadakip na suspek na si Robert Red ng Brgy. Camachin, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, kasalukuyang naliligo sa banyo ang hindi pinangalanang biktima, menor de edad, nang hindi sinsasadyang matanglawan ng flashlight na naka-on sa kanyang cellphone ang mga matang nagdudumilat sa butas na sumisilip sa kanyang hubad na katawan.
Agad nagtapis ng tuwalya ang biktima at dali-daling lumabas ng banyo upang tingnan kung sino ang namboboso sa kanya at dito nakita niya ang suspek na tumatakbong palayo sa likurang bahagi ng kanilang bahay.
Kasama ang mga kaanak, nagsumbong ang biktima sa himpilan ng DRT MPS na agad nagsagawa ng hot pursuit na nagresulta sa agarang pagkakadakip ng suspek.
Nang arestohin at kapkapan ng mga operatiba, nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang improvised caliber .22 revolver na kargado ng tatlong bala.
Nakakulong sa DRT MPS Jail ang suspek na ngayon ay nahaharap sa mga kaso ng paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at RA 10591 o An Act Providing for a Comprehensive Law on Firearm and Ammunitions and Providing Penalties for Violations.
(MICKA BAUTISTA)