Ang ABS-CBN Entertainment na pala ang nangungunang YouTube channel sa buong Southeast Asia matapos nitong maitala ang pinakamaraming subscribers at pinakamaraming views sa lahat ng channels sa rehiyon.
Noong Pebrero, umabot sa 32.7M subscribers at higit sa 43B views ang ABS-CBN Entertainment YouTube channel, ayon sa global video measurement at analytics platform na Tubular Labs.
“Nagpapasalamat kami sa lahat ng mga naka-subscribe sa aming YouTube channel at patuloy na nanonood ng ABS-CBN entertainment shows online. Ibinabahagi namin ang pagkilalang ito sa lahat ng aming mga Kapamilyang patuloy na minamahal at sinusuportahan ang aming mga palabas. Patuloy kaming gagawa ng mga kuwento at karanasang nagbibigay ng saya at inspirasyon at maghahanap pa ng mga paraan para maabot at mapaglingkuran ang aming mga Kapamilya,” pahayag ni Cory Vidanes, chief operating officer for broadcast ng ABS-CBN.
Marami pang aabangang bagong palabas ang subscribers ng channel ngayong taon, sa pagdating ng mga teleseryeng Huwag Kang Mangamba, La Vida Lena, tagalized episodes ng Count Your Lucky Stars ni Jerry Yan, Init sa Magdamag, at Almost Paradise, ang pinakaunang American TV series na kinunan sa Pilipinas at co-produced ng ABS-CBN.
“Malaking bahagi ng tagumpay ng aming YouTube channel ang Kapamilya Online Live dahil doon umaasa ang ating mga Kapamilya na hindi kami napapanood sa TV. Nagpapasalamat kami sa aming subscribers na laging nakaabang sa mga paborito nilang programa,” sabi ni Richard Reynante, ABS-CBN digital content publishing head.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan