ni ROSE NOVENARIO
MISTULANG nagkaroon ng ‘amnesia’ ang Palasyo sa kaso ng pagpapawalang bisa sa amnesty ni Sen. Antonio Trillanes IV kahapon matapos katigan ng Court of Appeals (CA) ang apela ng senador na ibasura ang pagbuhay sa kasong rebelyon na isinampa laban sa kanya ng Makati Regional Trial Court.
“Wala po akong ideya kung ano iyang kaso na iyan, so wala akong reaksiyon. Baka iyan naman po iyong dati pang amnesty, iyong patuloy pa rin siyang pinananagot despite the amnesty. Pero wala po talaga akong alam, so I cannot comment on it po. Hindi ko po alam kung anong kaso iyan,” tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque nang hingan ng reaksiyon sa desisyon ng CA sa apela ng senador.
Ang pahayag ni Roque ay taliwas sa kanyang mga sinabi noong 4 Setyembre 2018 na walang bisa ang amnesty kay Trillanes kaya kailangan bumalik siya sa kulungan at dumaan sa proseso bago matamo ang kanyang kalayaan.
“President Aqino gave him amnesty because of politics. We are not undoing. Hindi lang siya nag-comply sa requirements. So hindi valid ang amnesty,” ani Roque sa press briefing sa Notre Dame of Jerusalem Center sa Israel.
Sa desisyon ng CA 6th Division na isinapubliko kahapon, binaliktad ang 25 Setyembre at Disyembre 2018 ruling ni Makati City Regional Trial Court Branch 150 Judge Elmo Alameda na kumatig sa legalidad ng Proclamation No. 572 ni Pangulong Duterte na nagpawalang bisa sa Proclamation No. 75 ni dating Pangulong Benigno Aquino III na naggawad ng amnesty kay Trillanes.
Ang pasya ni Alameda ay nagbigay daan sa motion to reopen the rebellion case ng Department of Justice (DOJ), pag-iisyu ng warrant of arrest at hold departure order (HDO) laban sa senador.
Noong 18 Disyembre 2018 ay ibinasura ng RTC ang motion for reconsideration ni Trillanes para sa 25 Setyembre 2018 order.
Sa dalawang desisyon ay nanindigan ang RTC na nabigo si Trillanes na patunayan na nag-apply siya para mabigyan ng amnesty at umamin na guilty sa mga ginawang krimen kaugnay sa Manila Peninsula siege bilang requirement alinsunod sa Proclamation No. 75 kaya’t umapela sa CA ang senador.
Sa 59-pahinang desisyon na iniakda ni Associate Justice Apolinario D. Bruselas, Jr., nakasaad na naaayon sa Saligang Batas ang Proclamation 572 ngunit nabigo ang DOJ na sundin ang procedural rules sa pagpapawalang bisa sa desisyon ng Makati RTC na nagbasura sa rebellion case ni Trillanes noong 2011.
“In the criminal case subject of herein petition, the prosecution did not file an action for the annulment of or for relief from the Order of September 7, 2011, nor did it move for the issuance of a writ of certiorari to invalidate the said order. The alleged void Order, which dismissed the rebellion charge, was attacked only through the Omnibus Motion filed in the same case, which prayed for the issuance of a warrant of arrest and hold departure order against the petitioner,” ayon sa CA.
Para kay Trillanes, nanaig kahapon ang rule of law at umaasang lahat ng hukom ay may kahalintulad na “sense of justice” sa CA justices.
“Today, the rule of law prevailed. Nagpapasalamat ako sa mga CA justices na gumawa ng desisyong ito. Sana all judges and justices ay may ganitong sense of justice to check the prevailing authoritarianism in the country,” anang dating senador sa Twitter.