LAST October 2020, napilitang magpunta sa US si Mojack para maghanap ng pagkakakitaan. Kabilang ang award-winning entertainer sa nasagasaan nang husto ng pandemic, kaya bilang US citizen, naging last resort niya’y magpunta sa Tate.
Ayon kay Mojack, grabeng hirap ang inabot niya sa bansa dahil February 2020 pa ay wala na silang mga show, cancelled daw lahat at pati downpayment ay ipina-refund. Almost nine months daw ito inabot kaya naubos ang savings niya at nagkautang pa.
Ngayon ay isa siyang caregiver at nagwo-work din sa Wendy’s bilang cashier.
Paano niya ide-describe ang kanyang buhay ngayon sa US?
Saad ni Mojack, “So different po siya from entertainment to caregiver, ibang-iba at malayo po sa propesyon ko. Diyan po sa atin, one hour performance ay pera agad and kita po ako agad ng katumbas na $1000 an hour. Dito sa US, I need to work one week to get that amount. But, marami po akong insurance here at secured po ako rito when it comes to Life Insurance, Health Insurance, etc. At madali mo matupad lahat ng pangarap mo rito when you’re working here, you can help your family, relatives or friends.”
Maraming kaso ng Covid-19 sa US, hindi ba siya natatakot? “Dito po sa California sakto lang po, pero madisiplina ang mga tao rito. Parang wala nga pong pandemic, kasi karamihan naman lumalabas. Sa New York po ang marami, kaya ‘di po ako roon pumunta.”
Inusisa namin siya sa kanyang pagbabakuna. Kuwento ni Mojack, “Ang first vaccine ko ng Pfizer ay last Jan. 18, 2021 at ‘yung second shot ko po ay noong Feb. 8. Libre po rito sa US ang vaccine, pati po rapid and CoVid-19 test, free of charge sa mga citizens po.”
Ano’ng naisip niya nang babakunahan na? “Iniisip ko noon, kung tama ba ginagawa ko o hindi. Nananalangin na lang po ako sa Ama na Siya na ang bahala, pero sabi ko naman, sa rami ng tao kami ba ang sasampolan? Parang hindi naman, so siyempre, naisip ko po, bago kami ay marami nang naturukan at sa US, trusted naman ang mga medicines po.”
Ilang araw mula nang nabakunahan siya, may side effect ba? “Naku ‘wag po sila magdalawang isip na magpabakuna riyan sa atin, kasi para sa kanila po ‘yun at for safety at maibalik ang normal life, gaya ng dati. Especially kung free of charge ang offer, grab agad ng vaccine.
“Ang side effect lang po sa akin is, sakit ng katawan, a little bit of dizziness, at sakit sa batok. Iyon pong lagnat at ubo, ‘di ko po naramdaman ‘yun. Pero ‘yung kasama ko sa work ay nag-shortness of breathing siya sa first night, pero pagkagising ay wala na, malakas na po siya ulit.”
Sinabihan ba siya na dahil nagpa-vaccine na, safe na at hindi na siya tatamaan ng CoVid-19? “Sinabi po nila na hindi porke’t na-vaccine na ay ‘di na tatamaan, tatamaan pa rin po especially kung mahina ang resistensiya po. Kaya ingat pa rin po dapat at palakasin ang katawan,” esplika ni Mojack.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio