NAGKALOOB ang pamahalaang lokal ng Muntinlupa ng 20,000 tablets sa mga estudyante ng pampublikong paaralan sa lungsod para sa distance learning ngayong panahon ng pandemya.
Ipinagkaloob ang mobile tablets ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi kay Muntinlupa Schools Division Superintendent, Dr. Dominico Idanan para sa pamamahagi nito sa mahihirap na public elementary, junior, at senior high schools.
Ayon sa alkalde, layunin ng kaniyang inisyatiba na tulungan ang mga mag-aaral ng Muntinlupa na ma-access ang online learning resources at makasabay sa mga pagbabago at hamon ng bagong normal sa sistema ng edukasyon.
Ang turnover ceremony ay dinalohan noong Biyernes ng mga principal at ilang estdyanteng kumatawan sa kanilang eskuwelahan.
Una nang namigay ang lokal na pamahalaan ng first batch ng 2,557 laptops at 28 photocopiers sa Schools Division Office para sa pampublikong eskuwelahan at mga guro.
“The City Government of Muntinlupa will continue to support our teachers and students to adapt to the changes of the education system, no one will be left behind. We will ensure that everyone can access all kinds of learning modalities whether online or offline,” ani Fresnedi.
Pinasinayaan din ng Muntinlupa LGU ang Muntinlupa Mobile Learning Hub, nitong 4 Enero, ang learning bus na mag-iikot sa Metro Manila para magturo sa mga residente ng disaster resilience.
Ang mga residente ay makaka-experience sa loob ng learning bus ng state-of-the-art virtual reality sa pamamagitan ng pagsusuot ng VR headsets para panoorin ang “close-to-actual” scenarios ng mga sakuna tula ng earthquakes, flooding, storm surge, bomb explosion, chemical poisoning, volcanic eruption, tsunami, at landslide.
Ang DDRM Mobile Learning Hub ay may interactive Lecture Area na magpapalabas ng informative videos hinggil sa CoVid-19 Protective Measures, Disaster Prevention, Mitigation and Preparedness, First Aid Response and Management, at Basic Life Support.
Batay sa Public Information Officer (PIO), ang Learning Hub ay magtutungo sa mga barangay. Paiiralin dito ang health at safety protocols at regular din ang disinfection.
Gagagamitin ang Learning Bus sa information campaign ng lokal na pamahalaan kaugnay sa CoVid-19 vaccination.
(MANNY ALCALA)