‘#YestoABSCBNShutdown,’ ito ang nakalkal na post sa Twitter ni Russu Laurente, ang Bunsong Boksingero ng General Santos City, ang ikalawang housemate na pinalabas sa Bahay ni Kuya nitong Linggo, Enero 3.
Inamin ni Russu kay Kuya na sinuportahan niya ang pagpapasara ng ABS-CBN noong 2020 na hindi ito nabigyan ng bagong prangkisa ng Kongreso.
“Marami pong nagsasabi sa akin, ‘Di ba noong panahon is halos sumang-ayon ka o sumama ka sa mga nagpapasara? Bakit ngayon nag-audition ka sa Big Brother?’
“Sinabi ko po talaga nang harap-harapan sa kanila na ‘yung mga panahon na iyon ay hindi ko pa nari-realize or nalaman ‘yung totoong sitwasyon. Kumbaga hindi ko pa nalagay ‘yung sarili ko sa sitwasyon ng mga taong iyon,” pag-amin ni Russu.
“Nakakabitaw tayo ng salita, nanghuhusga tayo base sa mga hindi kompletong impormasyon. Madali tayong maimpluwensiyahan o madala sa opinyon ng iba kaya naman hindi naging tama ito. Alam ko na iba’t ibang tao may kanya-kanya at may iba’t ibang opinyon pero ang magnais ng kapahamakan sa iba, ito ay hindi katanggap-tanggap,” pahayag ni Kuya.
Sagot ng binatilyo, ”Alam ko po kuya na nasaktan po kayo na minsan po isa rin ako sa mga sumang-ayon sa pagpapasara ng iyong tahanan noong mga panahong hindi ko pa alam ‘yung mga nangyayari, ‘yung mga totoong nangyayari po sa mga nakikita ko po kuya. I’m sorry po kuya kung nasaktan ko po kayo at ‘yung pamilya po ng ABS-CBN.’’
Dagdag paliwanag pa ni Kuya, ”Tulad nga ng sinabi ko Russu at palagi kong sinasabi, hindi dapat nagiging basehan ang ating nakaraan para manghusga ng pagkatao at sa pag-ako ng pagkakamali natin, iwan na natin ang mga pagkakamaling ito.
“Nawa’y lahat tayo’y may matingnan na bagong kinabukasan sa bagong tao na ito. At Russu sa pagbatikos mo, sa pagsuporta sa pag-shutdown ng tahanang ito, tinatanggap ko ang pagpapakumbaba mo. Kahit ganoon ‘yung nangyari, naging bahagi ka na rin ng pamilyang ito. Samantala, nag-post naman si Robi Domingo, isa sa host ng Pinoy Big Brother Connect ng, ”I just want to give my utmost respect to Russu’s family, most especially his kuya, whom I got to talk to. We have to admit that something is wrong with the system but it also gives us that opportunity to learn from each other and grow.
“Remember, there is always hope in humanity.”
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan