HINDI naging hadlang ang ulan para kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/Brig. General Vicente D. Danao, Jr., sa pagbibigay ng pamaskong handog sa 500 mahihirap na pamilya sa ilang barangay sa Quezon City, nitong Sabado.
Kasabay ito ng pagpapatuloy ng “Kaagapay Ko, Tapat, May Tapang, at Malasakit Para Sa Mamamayan Program” ng Team NCRPO.
Aniya, imbes Christmas party sa NCRPO, pinili nilang ipagdiwang ang Pasko sa pamamagitan ng pag-aambagan para sa mga regalo sa mga pinakamahirap na pamilya.
Matapos ang programa, personal na iniabot ni NCRPO Chief Danao, ang food packs at health kits na nagbibigay ng impormasyon hinggil sa Coronavirus Awareness Response and Empowerment (C.A.R.E) Information Drive, na pinasimulan ni dating NCRPO chief at ngayo’y PNP chief, Major General Debold Sinas.
Kasama rin sa tinalakay ang sitwasyon sa krimen ng kani-kanilang barangay, mga tips sa pag-iwas sa krimen at ang ilegal na droga.
Umapela si Danao sa publiko na itext ang mga sumbong at impormasyon na nais iparating sa kaniyang tanggapan sa NCRPO text hot line numbers Isumbong Kay RD NCRPO O915- 888-9181 at 0999-901-8181.
“Sana po ay makatulong sa inyong pang-araw-araw ang aming munting regalo na handog sa inyong lahat bagaman ito ay kakapiranggot. Sana ay may napulot kayong aral sa mga naituro ngayong araw.
Ang inyong kapakanan at gampanin sa komunidad ay labis naming kinikilala at pinasasalamatan,” pagtatapos ng opisyal sa programa. (JAJA GARCIA)