Ito ay para sa pelikulang ECQ Diary na mula sa panulat at direksiyon ng journalist at filmmaker na si Arlyn Dela Cruz-Bernal.
Ito ang kauna-unahang nakatrabaho ni Daria ang direktor habang si La Oro naman ay kasama ni Direk Arlyn sa kanyang unang pelikula at sa mga sumunod pa.
Sabi ni Daria, “Hindi ko inaakala na mag-lead role ako kasama si Oro sa edad kong ito, sa edad naming ito. Natutuwa ako na may nagtitiwala sa kakayanan ko.”
Ang desisyon na kunin si Daria para sa role ni Amalia ay kapwa kina Direk Arlyn at La Oro. Si Oropesa kasi ang Executive Producer ng naturang pelikula. Dati nang film producer ang premyadong aktres noong dekada sitenta.
“Wala kaming ibang ikinonsidera sa role ni Amalia maliban kay Dang (Daria). Buo ang tiwala namin sa kanya at higit sa lahat, kaibigan ko siya. Gusto ko siyang makasama sa proyektong ito,” paliwanag ni Oro na Susan ang pangalan ng karakter sa nasabing pelikula.
Unang namalas ang galing ng dalawa sa pag-arte sa classic na Nunal sa Tubig noong early 1970s.
Ayon naman kay Direk Arlyn, dream come true ang reunion ng dalawa na, “Napakagaling sa kanya-kanyang eksena at sa mga tagpong sila ay magkasama.”
ni Nonie Nicasio