SA nakaraang virtual mediacon ng horror film na U-Turn ay nabanggit ni Kim Chiu na may mga elemento sa set nila at nakita iyon ng kaibigang psychic ng kapatid niyang si Lakam.
Pino-post kasi ni Kim ang mga kuha niya sa set bagay na nakita ng nasabing psychic at binalaan siyang umalis na.
”Noong ipinost ko, nag-message ‘yung psychic ng ate Lakam na, ‘Nagsu-shoot pa ba riyan si Kimmy? Sabihin mo huwag na siya tumambay sa kuwartong ‘yan.’
“Kasi may nakikita raw siya. Tapos, binilugan niya ‘yung bintana. Kasi luma ‘yung bahay eh. Luma siya na mga senior na ‘yung mga nakatira, ‘yung buong bahay luma.
“Mapapanood nila sa bahay. Doon ako inilagay na standby area. Sinabi niyong psychic binilugan niya mayroon daw tikbalang. May mata, may ilong.
“So parang may weird feeling na talaga roon sa kuwarto na ‘yun lalo na sa kama kaya natutulog lang ako sa chair ko. Ayokong humiga roon sa kama.
“Pero iba palang likod ‘yung may weird feeling, ‘yung bintana pala. Kaya ayoko rin humarap sa bintana. Hindi ko naman nakita kasi wala naman akong third eye.
“Sa friends natin na may third eye, nandoon siya sa bintana. May face, may mata.
“Okay lang na hindi ko makita. Hindi ko naman hinihingi. And then nag-send pa ako ng ibang picture sa psychic na ‘yun.
“May binilugan din siya, so parang ayoko na makita. Lalo na roon sa U-turn slot na pinag-shooting-an namin. Ang laki ng bilog niya na hindi tikbalang pero isang malaking elemento raw,” paglalarawan ng aktres.
Ang U-Turn ay noong 2019 pa sinimulan ng Star Cinema at inabutan ng lockdown kaya kinailangan nilang mag-lock in ng apat na araw para sundin ang health protocols dahil sa Covid19 pandemic at dito nahirapan si Kim.
“Na-shoot namin ito bago mag-pandemic last year. Tapos may mga natira kaming scenes, inabot kami ng MECQ.
“So may mga guideline, nangalawang na rin ‘yung character namin kaya medyo hahagilapin namin ulit si Donna Suarez (karakter niya). Medyo mahirap din ‘yung paglipat pero nasanay na rin ako sa ‘Love Thy Woman’ na direct set-up. So, lumipat lang. At least na-adjust ko. Hindi naman ako na-culture shock,” kuwento ng dalaga.
Ano ang challenging sa mga eksenang ginawa ni Kim.
“Noong hinarap sa akin ni direk ‘yung mga multo. ‘Yung wala nang takbuhan, ‘yung galit na talaga kami. Basta abangan n’yo na lang ‘yung eksena.
“Kasi parang sa lahat ng movies ko, hindi ko sila nape-face-to-face. Mayroon man pero sobrang layo. So, bawal ako gumalaw. Natatakot ako. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko, parang pahika level na ako, parang kailangan ba natin gawin ito?
“Hindi ba puwedeng camera na lang ‘yung kaharap ko? Pero ang galing kasi ng pagkakagawa. Parang iba siya. Marami akong first dito actually. First ko nakatrabaho sina direk (Derick Cabrido), si Tony (Labrusca), si JM (de Guzman).
“Maraming first actually, and first din ito na magiging digital movie, sa parang first of everything,” pahayag ng tinaguriang The Millenial Horror Queen.
Sa Oktubre 30 na mapapanood ang U-Turn sa KTX.ph, iWantTFC, Cignal, oo Sky Cable.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan