TINUKOY na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 12 modified provincial public utility bus (PUB) routes, mula Metro Manila patungong lalawigan ng Central Luzon, Calabarzon (vice versa).
Base sa Memorandum Circular (MC) 2020-051, ng LTFRB, maaari nang bumiyahe ang PUBs na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity, at nakarehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit sa mga rutang nakapaloob sa MC nang walang Special Permit (SP).
Ngunit kapalit ng SP ang QR Code na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa PUB unit.
Ayon sa LTFRB, maaaring mai-download ang QR Code mula sa official website ng LTFRB na (https://ltfrb.gov.ph/).
Bukod rito, kinakailangan rin maglagay ang mga operator ng Global Navigation Satellite System (GPS) para mai-monitor ang kanilang biyahe.
Kabilang sa mga modified provincial bus routes patungong Metro Manila at pabalik na bubuksan sa mga PUB sa ilalim ng inilabas na memorandum ay ang San Fernando, Pampanga – Araneta Center, Cubao, Quezon City; Batangas City, Batangas – Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx); Lemery, Batangas – PITx; Lipa City, Batangas – PITx; Nasugbu, Batangas – PITx; Indang, Cavite – PITx; Mendez, Cavite – PITx; Tagaytay City, Cavite – PITx; Ternate, Cavite – PITx; Calamba City, Laguna – PITx; Siniloan, Laguna – PITx at Sta. Cruz, Laguna – PITx.
Napili ang mga ruta base sa pakikipag-ugnayan ng LTFRB sa mga stakeholders, kabilang ang Local Government Units (LGU), terminals at bus operators.
Ang mga nabanggit na ruta ay naaprubahan na rin ng mga LGU na may sakop sa mga ito ngunit may ilang kondisyon din na kailangang sundin sa pagbiyahe ng mga PUB unit.
Kabilang dito ang pagbabawal sa pagbaba at pagsakay sa anomang parte ng Provincial Route maliban na lang sa mga itinalagang stopover points at terminal kung saan huling titigil ang mga PUB.
Para naman sa mga pasahero, kailangang magdala ng ilang requirements para makasakay at makabiyahe sa mga Provincial Bus.
Kabilang dito ang Travel Authority/Pass mula sa PNP sa terminal na panggagalingan ng pasahero; Valid ID na may kalakip na importanteng impormasyon ng pasahero tulad ng address/place of origin, edad, at lugar kung saan nag-aaral o nagtatrabaho; Written consent na pumapayag ang pasahero na sumailalim sa COVID-19 testing o magpa-quarantine sa terminal na pinagmulan at/o huling destinasyon sakaling ito ay kailanganin ng LGU at iba pang mga dokumentong kailangan ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at local government unit.
Mahigpit din ang habilin sa mga driver ng PUB at ang kanilang mga pasahero na magsuot ng face mask at face shield, magdala at gumamit ng alcohol o sanitizer, at sumunod sa 1-meter physical distancing.
Ipinagbabawal din ang pagkain, pag-inom, at pakikipag-usap sa kapwa pasahero o sa cellphone sa loob ng pampublikong sasakyan.
Batay sa memorandum, kailangang makakuha ng trip ticket ang pasahero dalawang araw bago bumiyahe o mas maaga pa sa pamamagitan ng online purchase o kaya sa mismong bus terminal.
Ipinagbabawal din ang pagbili ng trip ticket sa araw mismo ng pagbiyahe maliban na lang kung ito ay isang emergency.
Anang LTFRB, isasailalim sa regular monitoring ang lahat ng PUBs na bibiyahe sa mga modified provincial bus routes.
Nagbabala rin ang LTFRB na ang sinumang mahuli na lalabag sa mga probisyon ng MC ay papatawan ng kaukulang parusa at multa, at maaaring tanggalan ng CPC o PA. (Almar Danguilan)