BAGAMAT nagsabi na si Angelica Panganiban na hindi na siya gagawa ng teleserye after ng Walang Hanggang Paalam, iginiit naman niyang hindi niya iiwan ang ABS-CBN.
Sa virtual digicom ng WHP sinabi ng aktres na ang WHP na ang huling teleserye niya.
Aniya, ”Gusto ko nang magpaalam sa larangan ng teleserye, so maraming salamat sa lahat ng nagawa kong projects sa ABS, I am not leaving ABS-CBN, pero siguro hanggang dito na lang ang trabahong gagawin sa soap opera. Oh, ‘di ba, ang sarap panoorin dahil huling project ko na ito.”
Sinabi ni Angelica na may natutuhan siya sa buhay ngayong panahon ng pandemya kaya naisip niya ang pagre-retire sa paggawa ng teleserye.
“Masaya ako at ang nakasama ko sa project na ito ay ang grupong ito dahil gusto ko na magpaalam sa larangan ng teleserye.
“Rito ako nakapag-decide kung ano talaga iyong mahalaga sa buhay,” dagdag niya na hindi naman sinabi ang dahilan ng desisyong titigil na sa paggawa ng teleserye.
Marami ang nagulat sa sinabing ito ng aktres na hanggang ngayo’y walang malinaw na sagot. Ang tiyak lang proud si Angelica sa Walang Hanaggang Paalam at naniniwala siya na kahit ito na ang huli niyang serye ay tiyak na magmamarka sa manonood.
Bukod sa WHP, napapanood din si Angelica sa kanyang #AskAngelica digital show na nagbibigay siya ng payo/suhestiyon sa mga taong hinihingan siya ng komento sa mga problemang inilalapit sa kanya.
Samantala, iikot ang kuwento ng serye sa isang krimen na biglang magpapagulo sa takbo ng buhay ng mga pangunahing karakter sa istorya.
Sa gitna ng krisis, ano nga ba ang tunay na mahalaga sa isang magulang at sa isang tunay na nagmamahal – ang pamilya, sarili, o tungkulin?
Gaganap sina Angelica at Paulo bilang sina Celine at Emman, magkasintahang magkakahiwalay at mauudlot ang pangarap na magkaroon ng isang buong pamilya dahil sa pagkakulong ni Emman. Dahil kumbinsidong kriminal ang nobyo, lalayuan siya ni Celine na mag-isang itataguyod ang anak nilang si Robbie.
Sa paglaya ni Emman pagkalipas ng maraming taon, ibang buhay na ang makakagisnan niya dahil nakahanap na ng bagong pag-ibig si Celine sa piling ni Anton (Zanjoe), isang mayamang negosyante.
Mapapanood na ang Walang Hanggang Paalam ngayong Lunes (Sept. 28) sa buong mundo dahil sabay-sabay itong mapapanood sa Pilipinas, Europe, Middle East, Asia-Pacific, Australia, at New Zealand sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, TFC, at iWant TFC.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio