Ang Parola ay kuwento ng apat na batang sina Buwan, Ningning, Ces, at Onald na may kanya-kanyang munting mga pangarap. Hirap man sa buhay, nais pa rin nilang maitaguyod ang pag-aaral para sa kanilang mga pamilya. Dahil naniniwala silang edukasyon lamang ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan.
Matapos mamatay ang mga magulang sa isang aksidente, ang kanilang tiyo Lando na ang kumupkop kina Buwan at sa nakababata nitong kapatid na si Kiko. Pero sa halip na arugain ay naging malupit si Lando sa kanyang dalawang pamangkin. Batugan at lasenggero si Lando, at umaasa lamang sa suntento ng kalaguyo.
Ang dating masayang pamilya ni Ningning ay nagbago mula nang iwan silang mag-iina ng kanilang padre-de-pamilya na sumama sa ibang babae. Hindi rito nagtatapos ang pagdurusa niya, dahil namatay naman ang kanyang inang si Minda sa sakit na breast cancer. Habang si Onald naman ay nagtitinda ng kakanin kapag may libreng oras para makatulong sa kanyang amang si Raul, na isang mangingisda. Dahil sa ibang bansa nagtatrabaho ang kanyang ina, naiinggit ito sa ibang kaibigan na buo ang kanilang pamilya. Kaya umaasa siyang sa muling pagbabalik ng kanyang ina ay mabubuong muli ang kanilang pamilya. Pero ang hindi alam ni Onald, hindi na babalik ang ina dahil nag-asawa na ito sa ibang bansa. Si Ces, bagamat buo at masaya ang pamilya, dala pa rin ng kahirapan kaya nagsisikap ito sa kanyang pag-aaral para sa hinaharap ay mabigyan niya nang magandang buhay ang mga magulang.
Sa kabila ng kanilang mga pinagdadaanang hirap sa buhay, nagkakaisa naman sila sa pangangalaga ng kalikasan. Sila ang nagsisilbing bantay sa likas na yaman ng kanilang bayan. At sa panahon ng kanilang mga pagsubok sa buhay, laging naririyan ang kanilang titser Ela, na nagsisilbi rin nilang ikalawang nanay.
ni Nonie Nicasio