Saturday , November 23 2024

Pisbol, Betamax, Isaw, Adidas, Kwek-Kwek lagot kay ‘Mr. Taxman’

HINDI natin alam kung ‘naka-tune-in’ or ‘in unison’ ba talaga si Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez III sa supposedly ay pro-people stance ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi kasi natin maintindihan kung bakit gigil na gigil ang Department of Finance (DOF) sa pagpapataw ng buwis sa mga produktong ang pangunahing tagapagtangkilik ay mahihirap na Pinoy.

Gaya ng mga pagkaing ikinakategoryang ‘street food’ na sa totoo lang ay nakahihiyang sabihin na nagiging ‘staple food’ na ng masang Pinoy dahil sa dalawang bagay — ito ay abot-kaya ng kanilang bulsa at nagiging pampalasa (kahit walang sustansiya) sa kapares na kanin.

Ilan rito ang pisbol (fishball) o squid ball na noong una’y masasabing masustansiya dahil ito ay by-product mula sa isda at pusit pero paglaon ay nilahukan ng mas maraming harina at monosodium glutamate (msg) o mas kilala sa atin bilang ‘vetsin.’

Ang ‘Betamax’ o ‘yung pinatuyong dugo ng manok o baka o baboy na ginagawang barbeque; isaw ng manok o ng baboy; adidas o paa ng manok; kwek-kwek o nilagang itlog ng pugo o manok na inilubog sa kinulayang harina saka ipiprito at isasawsaw sa sukang maraming bawang at sibuyas.

Kasama rin diyan ang taho, mami, mais, binatog at iba pa, na kadalasang inilalako sa umaga. Meryenda sa hapon na banana cue, kamote cue, turon at iba pa.

Kung para sa iba, ang mga street foods na ‘yan ay meryenda o pampapak lamang, marami sa ating mga kababayan ang ginagawa ‘yang pang-ulam o kapalit ng regular meal (agahan, tanghalian, hapunan).

Habang ang mga nagtitinda naman niyan ay mga kababayan nating hindi makapasok sa mga kompanya dahil kulang sa requirements at qualifications kaya gumagawa  ng paraan para magkaroon ng kita, kahit paano, sa bawat araw.

Kaya kung ang mungkahi o panukala ng DOF National Tax Research Center (NTRC) at ng Senado na patawan ng buwis ang mga pagkain na ‘yan, e masasabi pa ba nating makamahirap ang administrasyon ni Pangulong Digong?!

Sablay ‘di ba?

Kaya uulitin na naman natin, bakit ba ang mga pobre ang pinanggigilang buwisan ng Kagawaran ng Pananalapi?! Bakit nga hindi ang sandamakmak na Philippine offshore gaming operators (POGOs)?

Bakit hindi ang mga selling platform na pangunahing kumita nitong nakaraang lockdown at bago pa mag-lockdown?

Sabi nga ni Rep. Joel Zarate, parang mas inuna pa ng pamahalaan na ipasa ang pagpapababa ng corporate income tax rate pero balak namang dagdagan ang buwis na pangunahing masasapol ang mga maralita?

Hindi pa tayo nakakawala sa pandemya na kailangang magpairal ng lockdown o community quarantines — pero iisa lang ang higit na naapektohan kahit iba’t bang level o kategorya pa ‘yan — ang sektor ng maralita.

        Tapos ngayon ay target buwisan ng pamahalaan ang mga produktong, maralita ang pangunahing kumokonsumo?!

        Tama pa ba itong nangyayaring ito?

        Hindi lahat o mas tamang sabihin na mas maraming maralita ang hindi nakinabang sa P275 bilyones na sinabing ipinang-ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) bukod pa sa $5.8 bilyong utang sa iba’t ibang foreign agencies…

        Pero pagdating sa bayaran — kahit ‘yung mga maralitang hindi nakinabang at kahit ‘yung mga sanggol na hindi pa nailuluwal sa mundong ito ay kasamang magbabayad ng mga utang na ‘yan.

        Kaya ba hindi magkadaugaga ang Finance Department, kung bakit pati pisbol, betamax, isaw, adidas, kwek-kwek, mami, pancit canton, banana cue, kamote cue, at iba pa ay kailangang buwisan?!

Hindi natin inakala na ‘sentimo’ lang kung mag-isip ng financial strategy si Secretary Dominguez…

Tsk tsk tsk. 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

 

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *