HINDI natin alam kung humihina na tayo sa numero o mahina lang talaga tayong mag-estimate.
Hanggang ngayon po kasi hindi ko matuos-tuos sa isip ko kung ano ang kinahinatnan ng P275 bilyones na inilaan ng pambansang pamahalaan para siguruhing magtagumpay ang laban kontra COVID-19.
Kung hindi tayo nagkakamali, dito sa P275 bilyones kukunin ang pondo para sa ayudang manggagaling sa Social Amelioration Program (SAP) na magbibigay ng P5,000 to P8,000 sa mga kababayan nating higit na nangangailangan sa panahon ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) hanggang abutin ng iba’t ibang antas ng CQs.
Pero, alam kaya ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) o ng National Task Force on COVID-19 (NTF COVID-19) na maraming senior citizens na soltera o soltero ang hindi nakatanggap ng ayudang SAP?
Ganoon din ang mga nagsosolong persons with disability (PWDs), mga solo parent na may trabaho pero nagpapaaral pa ng mga anak.
At iba pang nawalan ng trabaho dahil sa pagpapatupad ng ECQ.
Ang sabi ng mga kinauukulang awtoridad, hindi sila kasama sa SAP dahil prayoridad ‘yung mga kababayan nating mahigpit talagang nangangailangan.
Pero ang tanong, bakit maraming pedicab, tricycle, and jeepney drivers ang hindi nakatanggap ng ayuda mula sa SAP?!
Ang natanggap nila’y mga foodpacks mula sa local government units (LGUs).
At sa totoo lang, mas marami tayong narinig na walang natanggap kaysa nakatanggap. Halos bawat barangay, wala pa yatang 50 porsiyento sa mga nag-apply ang nabiyayaan ng ayudang SAP.
Mantakin naman ninyong, ini-lockdown pero kulang na kulang sa pangangailangan? At sa pagluluwag naman ng community quarantines, haharap naman sa pagbabayad ng natambak na bayarin sa tubig, koryente, upa sa bahay, auto loan, house loans, lending, 5/6, at kung ano-ano pang bayarin.
Magtataka pa ba tayo kung bakit maraming nag-aalborotong mamamayan?
Hindi komo wala nang community quarantines o lockdown ay balik na sa normal ang buhay o makababalik na sa trabaho at kikita na agad-agad.
Mismong mga awtoridad nga ang nagsasabi ‘di ba
— “tayo ay nahaharap sa new normal.”
Ngayon sa ilalim ng sinasabi ninyong new normal, ngayon po mas kailangan ng mamamayan ang ayuda, lalo na ‘yung mga tuluyang nawalan ng trabaho dahil hindi pa puwedeng buksan ang kanilang mga pinagtatrabahuang establisimiyento.
Ngayon ang panahong higit na kailangan ng mga mamamayan ang alalay ng pamahalaan.
Palagay naman po natin ‘e may natitira pa sa P275 bilyones.
Aba ‘e ilabas n’yo na!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap