PATULOY na madedehado ang sambayanang Filipino kung igigiit ni Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV na siya muli ang maging negosyador sa “Joint Exploration and Development.”
Ipinahayag ni Foreign Secretary Alan Peter Cayetano kalihim sa kanyang Facebook post kaugnay ng hirit ni Trillanes..
Ayon kay Cayetano, noong pinagkatiwalan ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino si Trillanes bilang negosyador, nagresulta ito sa paghulagpos ng kontrol ng Filipinas sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal.
Sinabi ni Trillanes sa isang interbyu sa telebisyon, patuloy na mangingibabaw ang China sa pinapalanong “Joint Exploration at Development” project sa West Philippine Sea dahil umano walang kapasidad lalo na sa teknolohiya ang mga Filipino na makilahok sa naturang proyekto.
Ngunit tiniyak ni Cayetano sa taong bayan na hindi papayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kasunduang hindi patas at hindi pabor sa sambayanang Filipino.
Malinaw, aniya, ang utos ng Pangulong Duterte na protektahan at pangalagaan ang bawat sulok ng teritoryo ng bansa at mapakinabangan ng bawat Filipino ang ating “sovereign economic rights.
“Habang patuloy ang iyong pagsisinungaling, at pananabotahe sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon, patuloy naman kaming magsasabi ng katotohanan at magtatrabaho para magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga Filipino” hirit ni Cayetano sa kanyang social media account patungkol kay Trillanes.
HATAW News Team