NASA pangangalaga na ng Viva Artists Agency si Billy Crawford. Pumirma siya ng limang taong kontrata. Ultimate dream niya na makasama sa malaking concert si Sarah Geronimo. Gagawa rin siya ng album, pelikula bukod sa pagiging host sa Kapamilya Network.
Bilang host ng Pilipinas Got Talent, kinuha ang opinion niya sa pamba-bash ngayon kay Robin Padilla sa Korean contestant.
Naiintindihan niya si Binoe at naiintindihan din niya ang contestant. Hindi ito mababalanse dahil may mga taong sang-ayon at may mga taong hindi.
Basta sila ni Toni Gonzaga, ang inaalagaan nila ay ang contestant. Kumbaga, binibigyan nila ng support ang contestant.
Hindi siya puwedeng magsalita para kay Robin ganoon din sa contestant.
Pero aminado siya na nagkaroon ng tension sa PGT noong mga oras na ‘yun.
‘Yung ibinabatong isyu ngayon kay Robin na racism, sexism, at rudeness ay nagyayari naman sa buong mundo.
“Kung gusto niyo makakita ng tunay na racism ay pumunta na lang kayo sa Amerika,” sambit pa niya.
Kahit siya ay na-experience niya ang racism, discrimination noong nasa Amerika siya.
“Si Kuya Binoe ang pinalabas lang naman niya ay payong ama, ‘di ba? Niyakap nga niya after. Kunwari, kung ako ang nakagawa niyon at binawi ko sa dulo at sinabi kong ‘welcome to the Philippines’, hindi siya bawi kasi matatakot pa rin ‘yung taong ganoon. Pero sa akin, at least nasabi ko sa ‘yo na gusto kitang tulungan na matutong magsalita kahit kaunti to communicate.
“Actually, noong unang punta ko sa France, for two years, hindi ako marunong magsalita ng French, hindi ako makakain, hindi ako makapag-usap kahit kanino at walang tumutulong sa akin na magsalita ng English dahil walang marunong. So, ‘yung effort mo, ilalabas mo talaga as an artist,” deklara niya.
Naniniwala rin si Billy na below the belt na pati ‘yung anak nina Robin at Mariel Rodriguez ay idinamay. Nakikiusap din siya na ‘wag nang idamay ang pamilya ni Binoe dahil kahit tayo ayaw din nating pag-usapan ang pamilya natin.
Pero ang ending naman ay masaya pa rin ang nangyari sa Korean contestant dahil babalik ito sa next round kaya dapat ay mag-move on na.
Korek!