TAYONG mga Filipino ay napupuna dahil sa ating palagiang pagiging huli sa mga appointment o schedule.
Ito ang dahilan kaya nabansagan ang pagiging huli natin sa mga lakaran na “Filipino Time.” Subalit hindi naipaliliwanag ng bansag na ito ang dahilan ng ating kakaibang pagbibigay halaga sa oras o panahon na ikinasusuya ng hindi lamang iilan, lalo na ‘yung mga tagalungsod.
Una, dapat nating maunawaan na ang Filipinas, sa kabila ng mga naglalakihang malls, five-star na hotel at gara ng mga sasakyan sa daan ngayon ay nananatiling isang agrikultural na bansa na may “makabagong” bihis lamang. Ang mayorya sa mga nagpapatakbo ng ating bansa ay mga panginoong maylupa pa rin at kakaunti lamang ang tinatawag na “industrialists” o mga may-ari ng industriya.
Sa madaling salita, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nabubuhay sa pamamagitan ng lupa. Hindi sa pabrika o mga opisina na ginagabayan ng oras sa pagtatrabaho nakasalalay ang kanilang ikinabubuhay.
Kung magbabalik-tanaw tayo sa kasaysayan ay malalaman natin na ang panahon o oras para sa mga taong sangkot sa agrikultura tulad nating mga Filipino ay nakabatay sa ritmo ng panahon. Seasonal ang oras sa mga tagapagtanim at ang saligang batayan nila ay ang ritmo ng panahon at katawan.
Iba naman ang konsepto ng panahon para sa mga nasa industrialisadong bansa na ang batayan ng orasan ay nakasalalay sa segundo, minuto o oras. Ito ay mga artipisyal na pagtataya ng panahon na inimbento ng mga kapitalista bilang bahagi ng kanilang paraan para disiplinahin ang mga manggagawa sa pabrika o industriya.
Walang halaga sa mga gumagamit ng artipisyal na orasan (halimbawa ay relo) tulad ng mga kapitalista ang ritmo ng panahon o katawan. Tanging ang patak lamang ng segundo sa kanilang relo ang importante dahil ito ay isa sa kanilang ginagamit na sistema ng panukat para sa oras na nagtrabaho ang isang manggagawa.
Lumalabas ngayon na para sa ating mga Filipino, sa kabila nang pagkabighani natin sa konsepto ng panahon na pinangingibabawan ng segundo, minuto at oras, ang nasusunod pa rin na orasan ay ritmo ng panahon at ng ating katawan. Sa ayaw o gusto natin, ang ating puso at damdamin ay nanatiling malapit sa kalikasan o kung ano ‘yung natural, at malaking bahagi ng ating kultura ay nakabatay sa mga paniniwalang ang ugat ay may kaugnayan sa lupa.
***
Nagluluko na naman ang air conditioning unit sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
***
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.