MARAMING aral na mapupulot ang mga awtoridad sa pagkakapaslang sa binatilyong si Kian Loyd delos Santos.
Isa na rito, ang rekesitos na kailangan magsuot ng body camera ang law enforcers na nakatalaga sa mga ahensiya ng pamahalaan na nagsasagawa at nagsusulong ng anti-illegal drug war ng administrasyong Duterte. Lalo sa panahon na sila ay magsasagawa ng pagsalakay.
Kung mayroong body camera ang mga operatiba na nagsasagawa ng pagsalakay, makikita ang kabuuan ng kanilang operasyon.
Makikita sa body camera ang aktuwal na insidente dahil nairekord ito.
Sa pamamagitan rin ng body camera, makikita kung ano talaga ang tunay na pangyayari.
Malaking tulong ito upang hindi masabotahe ang isinusulong na kampanya ng Pangulo.
Gaya ngayon, matapos ang naganap na pagpaslang kay Kian, wala na tayong narinig na ginawang pagsalakay ang mga pulis sa mga tukoy na drug den at lalong wala tayong nababalitaan na ginagawang pagdakip sa mga big-time drug offenders.
Bakit nga ba, PNP chief, Director General Ronald Bato?
Natakot ba ang mga adik at tulak?! O natakot ang mga pulis?!
Panahon na para tiyakin ng pulisya na sila ay tumutupad nang tama sa atas ng Pangulo at ni Gen. Bato.
At mangyayari ito kung aktuwal na mairerekord ang mga pangyayari.
Sa pamamagitan nito, sabi nga ng isang mambabatas, matitiyak ang transparency at accountability sa pagpapatupad ng pamahalaan ng giyera kontra ilegal na droga.
Kung hindi dahil sa CCTV camera, hindi matutuklasan ang tunay na insidente sa pagpaslang kay Kian.
Salamat na lamang at may CCTV ang barangay.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com