WALANG sasantohin si Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Tim Orbos sa pagpa-patupad ng kanilang mandato, partikular ang paghuli sa mga lumalabag sa regulasyong pangtrapiko kabilang ang mga ilegal na paradahan na makikita sa iba’t ibang lugar sa Kalakhang Maynila.
Sa panayam ng Hataw kay Orbos sa Kapihan sa Manila Bay sa Café Adriatico sa Malate, Maynila, ipinunto niya ang halaga ng kooperasyon ng bawat isa sa pagresolba ng usapin o problema sa trapiko.
“Hindi lamang problema ito ng pamahalaan. Nakaaapekto sa ating lahat ito kaya kailangan natin ng pagtutulungan para masolusyonan ito,” idiniin ng opisyal.
Ito rin umano ang dahilan kung bakiit nakikipag-ugnayan siya sa lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan mula sa barangay hanggang sa mga kagawarang may kinalaman sa isyu at gayon din sa pribadong sektor at sa publiko para magkatulungan at bumuo ng kasunduan para matugunan sa wastong paraan ang problema.
Binanggit ni Orbos, ang problema ng mga ilegal na terminal na matatagpuan sa mga lugar kung saan naiipon ang mga sasakyang pampasahero at mga commuter at pinagkakakitaan din ng mga pamahalaan lokal, kabilang ang mga barangay.
“Alam kong kumikita sila rito ngunit labag sa batas kaya hindi puwedeng palampasin dahil nakaaabala sa maayos na daloy ng trapiko. Kung may magagalit sa akin dahil dito, wala akong magagawa dahil bahagi ng solusyon ang pagpapaalis ng mga ilegal na terminal,” inulit ng MMDA chairman.
Tinugon ni Orbos ang problema sa landfill at flood control — dalawang usapin na nasa ilalim din ng mandato ng MMDA.
Sinabi niya, sa ngayon ay pinag-aaralan nilang mabuti ang pagsasaayos ng mga lugar na magiging tambakan ng basura habang pagsasabihan na rin ang ilang mga gusaling maituturing na mga ‘kolorum’ dahil sinakop nila ang bahagi ng mga estero o ilog na ipinagbabawal sa batas.
“Sisitahin namin sila at kung hindi sila susunod sa batas ay gagawa kami ng nararapat na hakbang para maipatupad ang ating batas ukol dito,” pagtatapos ni Orbos.
ni Tracy Cabrera