SIGURO nga masasabi namin iyong gathering para roon sa launching ng100 Most Beautiful Stars ng isang magazine ang nakita naming pinakamalaking gathering na ng mga artista lately. Ang maganda pa roon, pinabayaan ng mga organizer na makasalamuha ng press ang mga artista. roon sa mga press conference kadalasan, dumaRating na sila ng late at pagkatapos na pagkatapos ng presscon, itinatakbo na iyan ng kanilang mga handler na para bang ayaw ipakausap sa press.
Bihira iyong mga presscon kagaya roon sa GMA 7 na tatawagin ka pa para makipag-usap sa kanilang mga star pagkatapos ng presscon. Diyan din naman sa 100 Most Beautiful, habang hinihintay ang iba pang darating, naroroon ang mga artista at kausap na lahat ng press.
Iyon namang kanilang 100 Most Beautiful, siguro nga masasabing maganda na ang kanilang choice, dahil lahat naman halos naroroon na eh. Isipin mo iyong 100 naman ang pinili nila. Pero may mga artistang inaasahan naming makakasali, dahil “most beautiful” nga eh, pero wala roon. Mayroon din namang tatanungin mo kung bakit, kasi nga “most beautiful” ang sinabi nila. Pero kung titingnan mo naman sa kanilang magazine, categorized naman iyong “most beautiful” nila. Mayroon din namang nakasali dahil sa kanilang “talent”. Ibig sabihin, hindi lang beauty ang criteria, may talent din.
Kung hindi naman nakasama roon, hindi naman siguro ibig sabihin ay hindi na sila beautiful o talented. Nagkataon lamang na iba ang choices niyong mga namili at karapatan nila iyon dahil event nila iyon eh.
Siyempre ang napili nilang “most beautiful” talaga ay iyong AlDub. Sila ang cover niyong magazine eh. Magandang timing sabi nga ng iba, dahil palabas ang pelikula ng dalawa na inaasahang magiging isang hit. Tapos kasabay pa iyon ng anniversary ng kanilang love team. Pero malaki na talaga ang kaibahan. Kasi kung natatandaan ninyo iyong simula nila, lalo na iyong crowd noon sa Philippine Arena, aba eh lumampas pa ang mga tao noon sa bilang ng mga Inglesia eh. Kasi sila hanggang labas puno ng mga taong hindi nakapasok, at may bayad pa iyon ha. Iyon ding tweets noon umabot sa 26 million ng araw na iyon. Umabot pa sa 40 million after a few days, pero siguro naman paulit-ulit na iyong mga nag-tweet.
Ganoon pa man, kikita pa rin ang pelikula nila. Mabibili pa rin ang magazine na iyan. Kasi gusto pa rin sila ng tao. Rito naman sa atin, basta gusto ng tao asahan mo kikita. Kapag hindi nila gusto, sabihin mo mang nanalo ka ng mga award. Magmakaawa ka man na panoorin kayo. Maaalis pa rin kayo sa mga sinehan dahil walang manonood sa inyo. Hindi gusto ng tao eh.
HATAWAN – Ed de Leon