
HATAW News Team
PATAY ang isang security escort ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nang pagbabarilin ng riding-in-tandem kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Naisugod at sinubukan ng mga doktor sa Tondo Medical Center na isalba ang biktimang si George Capistrano, 56, isang retiradong pulis ngunit binawian din ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Inaalam ng Manila Police District (MPD) ang pagkakakilanlan ng riding-in-tandem na nakasuot ng puting helmet at brown na jacket habang ang angkas ay nakasuot ng pulang sapatos, puting t-shirt at asul na helmet. Lulan ang dalawa ng isang Yamaha NMAX.
Sa ulat ng MPD, dakong 12:00 am nang maganap ang pamamaril sa harap ng bahay ni Capistrano sa Salonga St., kanto ng Buendia St., sa Balut, Tondo, sakop ng Barangay 134.
Batay sa kuha ng CCTV sa lugar, makikita ang biktima na lulan ng kanyang motorsiklo habang sinusundan ng mga suspek.
Hinarang ng mga suspek si Capistrano na agad bumunot ng baril habang pinipilit ng mga suspek na makuha ang kanyang kuwintas. Nakaladkad si Capistrano hanggang mapahiga sa semento. Dito, tila tiniyak na hindi makaliligtas ang biktima sa tama ng bala ng isa sa mga suspek hanggang tumakas.
Ayon kay Domagoso, tinututukan ang anggulong robbery-holdup ang motibo ng pamamaslang nang ‘pitasin’ at tangayin ng mga suspek ang kuwintas ni Capistrano.
Tiniyak ni Mayor Isko na makakamit ng pamilya ni Capistrano ang hustisya.
Samantala, bineberipika ng pulisya ang impormasyon na isang retiradong police official ang nasa likod ng pamamaslang kay Capistrano.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com