MAGBABALIK ang inaabangang Volleyball All-Star Showcase kung saan muling magsasama-sama ang mga star ng propesyonal na volleyball sa bansa sa Biyernes, Mayo 1 sa Candon City Arena sa Candon City, Ilocos Sur.
Tampok sa espesyal na kaganapan ang dalawang All-Star Games na magpapakita ng pinakamahusay na mga manlalaro mula sa Premier Volleyball League at Spikers’ Turf. Magtatagisan dito ang mga nangungunang talento sa women’s at men’s divisions sa isang gabi ng kasiyahan at kompetisyon.
Inilabas noong Biyernes ang opisyal na logo ng showcase bilang hudyat ng pagbabalik ng liga-wide na spectacle—ang una mula noong 2019 at kauna-unahang All-Star event sa professional era ng PVL.
Ang logo ay dinisenyo nina Mark Ron Castaneda at Juan Lorenzo Navarro, na pinagsama ang mga elemento mula sa dalawang liga.
Makikita sa disenyo ang mga visual identity ng PVL at Spikers’ Turf bilang simbolo ng pagkakaisa ng dalawang kompetisyon sa iisang entablado.
Sa ibabang bahagi ng logo ay makikita ang pagpupugay sa host city, na nagtatampok sa Candon City bilang unang venue ng muling pagbuhay sa showcase, kasama ang taon ng pagdaraos ng event.
Kapansin-pansin din sa disenyo ang walong dilaw na bituin na kumakatawan sa isang koponan sa loob ng court—anim para sa mga manlalaro, isa para sa libero, at isa para sa head coach na gumagabay sa koponan.
Hinango rin ang color palette ng logo mula sa branding ng PVL at Spikers’ Turf, pinagsasama ang mga signature colors ng dalawang liga upang ipakita ang nagkakaisang All-Star celebration.
Matapos ang halos isang dekada, inaasahang maghahatid ng makulay na pagtatanghal ng husay, samahan at star power ang Volleyball All-Star Showcase, habang nagtitipon sa Candon City, Ilocos Sur ang pinakamahusay na volleyball stars ng bansa. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com