BUNGA ng mabilisang pagresponde ng Quezon City Police District (QCPD) sa sumbong mula sa Emergency 911, naaresto agad ang tatlong salarin sangkot sa pamamaril at pananaksak sa Barangay Holy Spirit sa lungsod.
Sa ulat na nakarating kay QCPD District Director PBGen Randy Glenn Silvio, nakatanggap ng tawag mula sa Emergency Hotline 911 ang Holy Spirit Police Station 14 (PS 14) na pinamumunuan ni Station Commander PLt. Col. Jefrey Gamboa nitong 4 Marso 2026 dakong 10:40 ng gabi kaugnay sa pamamaril sa Kaligtasan Extension St., Barangay Holy Spirit.
Pagkatanggap ng PS 14 Station Tactical Operations Center (STOC) ng tawag agad na nagresponde ang mga operatiba ng PS 14 sa pinangyarihan.
Habang papunta ang mga operatiba at binabaybay ang Don Vicente Street, namataan ng mga pulis ang isang lalaking nakahubad (walang pang-itaas) na kinilalang si alyas Christopher, 30 anyos.
Duguan at nagtangkang tumakas si alyas Christopher patungo sa isang eskinita sa Zuzuarregui Street. Agad siyang hinabol at naaresto.
Narekober kay alyas Christopher ang isang CTM Shooters .45 caliber pistol. Nabigo ang suspek na magpakita ng mga dokumento para sa baril kaya siya’y dinakip. Dinala siya sa Quezon City General Hospital para gamutin ang mga sugat sa likod at sa ulo.
Bago dalhin sa ospital si Christopher, ilan sandali ay dumating sa pinangyarihan ang mga suspek na sina alyas Cecilio, 64 anyos at Wenceslao, 42 anyos, sakay ng isang Honda Click 150.
Sa gitna ng komprontasyon, tinangka ni Wenceslao na saktan si Christopher ngunit agad siyang napigilan ng mga pulis. Nakompiska kay Wenceslao ang isang itak na may sukat na 18 pulgada, na naging dahilan ng pag-aresto sa kanya para sa kasong attempted murder.
Habang dinadala sa estasyon, nagtangkang tumakas si Cecilio gamit ang kanyang motor, na nagresulta sa isang maikling habulan sa Kaligtasan Extension Street hanggang masukol.
Nakuha kay Cecilio ang ang mga sumusunod: isang (1) hi-capacity .45 caliber pistol; isang (1) magazine na may siyam (9) na bala; isang (1) bulletproof vest na may holster at Honda Click 150 motorcycle
Dahil wala rin legal na dokumento para sa dala niyang baril, agad siyang inaresto.
Sa imbestigasyon, bago ang insidente ay nagkaroon ng matinding alitan sa pagitan ni Christopher at ng iba pang mga suspek.
Nagkutsaba sina Cecilio at Wenceslao at pinaghahataw ng baril sa ulo ng una si Christopher habang sinaksak ng pangalawa gamit ang itak. Sa gitna ng laban, naagaw ni Christopher ang baril at pinaputukan ang dalawa.
Sa pagsisiyasat sa pinangyarihan ng krimen, narekober ang isang bala ng .45 caliber, isang basyo ng bala, at isang deformadong bala.
Sa beripikasyon ng pulisya, si Christopher ay may mga naunang record para sa alarms and scandals at paglabag sa Omnibus Election Code (Marso 2019); attempted Parricide (Nobyembre 2020); at Theft (Hulyo 2021); habang si Cecilio ay may naunang kaso ng Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property noong Nobyembre 2022.
“Pinupuri ko ang mga tauhan ng PS 14 sa kanilang mabilis at mapagpasyang aksiyon sa pagresponde sa Emergency 911 call. Dahil dito, hinihimok namin ang publiko na agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa E911 o sa QC Helpline 122 upang makaresponde ang mga awtoridad nang walang pagkaantala,” pahayag ni PBGen. Silvio. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com