SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
IBA-IBANG komento ang narinig namin sa pagbibida ni Andres Muhlach sa Bagets, The Musical. May positibo at may negatibo. Pero ang suma, matagumpay na nagampanan ni Andres ang dating pinagbidahan din ng kanyang amang si Aga Muhlach, ang pelikulang Bagets na ipinalabas noong 1984 sa mga sinehan na idinirehe ni Marjo J delos Reyes.
Aminado naman ang pamilya ni Andres na hindi pa ganoon kasanay kumanta at sumayaw ang batang aktor. Pero sa ganang sa amin, kung hindi susubukan at kung hindi tinanggap ni Andres ang pagbibida, kailan pa? At siya ang bukod-tanging tamang gumanap pelikulang ginawa rin ng kanyang amang si Aga, ang Bagets.
Magandang behikulo rin para kay Andres ang teatro para mas lalo pang masanay sa pagkanta at pagsayaw. Magandang lugar din ito para mas mahubog pa ang galing niya sa pag-arte gayundin ang disiplina.
At sa nakita naming performance ni Andres sa opening night ng Bagets, The Musical pasado siya sa lahat ng nanood. Tinitilian pa nga si Andres sa mga eksena nito at siya talaga ang nagdala ng palabas.
Mabuti na lamang at hindi namin pinalampas ang panood nito kung hindi mami-miss namin ang naging bahagi ng aming kabataan noon.
Anyway, hindi lang si Andres ang nakitaan namin ng nerbiyos, na hindi naman kataka-taka dahil first time niyang sumalang sa ganito. Ninerbiyos din daw ang kanyang Lola Elvie na nakasalubong namin after ng palabas.
Ani Mommy Elvie, bagamat ganoon siya ka-nerbiyos super proud naman siya sa kanyang apong si Andres bagamat hindi niya itinago ang komentong marami pang dapat aralin ang kanyang apo.
“Hindi siya singer at dancer, so pinag-iisipan na namin ito (pagtanggap noon sa musical play). Kasi talagang sobrang nerbiyos kami nina Aga at Charlene habang pinanood siya. Napapakamit kami sa aming upuan,” nakangiting wika ng maganda pa ring ina ni Charlene.
Ang dinig namin kagagaling pa ng taping ni Andres ng Mutya ng Section E naipinalalabas sa Viva One, pero all out pa rin ang performance ng bagets.
“Kaya nga ang tanong namin, kaya ba niya at sinasabi naman niyang (Andres) kaya niya,” sabi pa ni Mommy Elvie.
All out nga ang suportang ibinigay ng pamilya Muhlach kay Andres. Naroon din si Aga, si Charlene, at ang kambal na si Atasha. Nanood din ang mga OG Bagets na sina Yayo Aguila, Ramon Christopher, at Chanda Romero. Hindi naman nakarating si Herbert Bautista dahil may biglaang meeting ito.
Kasama ni Andres na nagtanghal sa opening night sina Ethan David, Milo Cruz, Noel Comia, Jr. atSam Shoaf.
Bago ang curtain call, isa-isang pinaakyat sa entablado ang mga OG “Bagets” sa pelikula sa pangunguna ni Aga at doon nga hindi napigilang maluha at nagyakapan ang mag-amang Andres at Aga.
Kitang-kita naman sa mukha ni Aga kung gaano siya ka-proud sa binatang anak.
Maging si Charlene ay super happy sa magandang performance ng anak.
Anito, “May kaba siyempre, pero excited ako kasi napakaganda ng ‘Bagets, The Musical’ from beginning to end.”
Naikuwento pa ni Charlene na wala silang idea sa gagawin ng kanilang anak dahil hindi ito nagkukuwento sa kanila.
Kaya naman umpisa pa lang, teary-eyed na ang pamilya Muhlach.
Mapapanood ang Bagets, The Musical hanggang Marso 2026 sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com