ni Allan Sancon
OPISYAL nang inilunsad ng Viva ang bagong inaabangang serye, Hell University, na nagsisilbing launching project ng bagong loveteam na Heart Ryan at Zeke Polina. Mula sa hit Wattpad novel na isinulat ni KnightInBlack na umabot sa 182 million reads, ang madilim at marahas na kuwento ay mapapanood na sa Viva One simula Pebrero 6.
Ginagampanan ni Heart si Zein, ang matapang na lider ng magkakaibigan, habang si Zeke naman ang Supremo o Ace Craige, ang malamig at nakatatakot na student council president.
“Bagong level ito ng challenge para sa akin,” ani Heart.
Dagdag naman ni Zeke, “Iba ang chemistry, mas intense, mas madilim—dito kami mas makikilala.”
Kasama rin sa cast sina Andre Yllana, Derick Ong, Jastine Lim, Gabbi Ejercito, at Jac Abellana. Tampok din ang pagbabalik-tambalan nina Aubrey Caraan at Lance Carr, kasama sina Keagan De Jesus at Jemima Rivera.
Sa direksiyon ni Bobby Bonifacio Jr., tiniyak na magiging faithful ngunit mas matindi ang serye kompara sa libro.
“Pinili namin ang cast na kayang dalhin ang bigat ng istorya,” pahayag ng direktor.
“Hindi lang ito tungkol sa karahasan—kwento ito ng survival at pagkakaibigan.”
Sa Hell University, libre ang lahat—maliban sa kaligtasan. Isang seryeng puno ng intriga, aksyon, at kilig, at ang unang hakbang ng Heart–Zeke loveteam na tiyak na aabangan ng fans.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com