FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
SA UMPISA ng taon, malinaw ang mensahe ni US President Donald J. Trump: umatras ang Amerika sa maraming international treaties at organizations. Kasama sa pag-atras ang pondo at political will para sa mga global issues na hindi niya itinuturing na prioridad ng Estados Unidos.
Madaling sabihing malayo ito sa atin. Pero ang totoo, direktang tama ito sa Filipinas. Ang pagputol ng pondo para sa climate change resilience ay seryosong usapin para sa isang arkipelagong nakapuwesto sa pinakamaunos na bahagi ng Pacific.
Kasama sa tinamaan ng funding cuts ang UN Framework Convention on Climate Change at iba pang UN at non-UN bodies. Sa praktikal na antas, ibig sabihin nito ay mas kaunting suporta para sa disaster preparedness at climate adaptation — mga programang kritikal para sa bansang tumatanggap ng average na 22 bagyo kada taon.
Para sa Filipinas, ang climate resilience ay hindi buzzword. Ito ay evacuation centers na kailangang gumana, early warning systems na hindi puwedeng pumalya, at flood control projects na dapat totoo, hindi lang nasa papel. Dagdag pa riyan ang relief at rescue na kailangang dumating bago pa maging body count ang balita.
May mga nagsasabing huwag mag-panic. Totoo, nananatiling matibay ang PH–US ties sa usaping seguridad. May iba rin naniniwalang puwede tayong humanap ng ibang partners. Pero iisa lang ang planeta. Walang hangganan ang epekto ng climate crisis.
Habang humihina ang global funding, lilipat ang pressure sa loob. At dito pumapasok ang mas mabigat na problema: handa ba ang sarili nating gobyerno? Sa ngayon, hindi nagbibigay ng kompiyansa ang rekord ng Marcos Jr. administration sa paghawak ng pondo ng bayan.
Hindi puwedeng petiks ang disaster preparedness. Ang bagyo ay walang pakialam sa budget insertions at procurement shortcuts. Kapag pumalya ang plano at nalustay ang pondo, hindi lang pera ang nawawala — buhay.
Habang humihina ang tulong mula sa labas, wala nang dahilan para pumalya. Sa bansang taon-taong binabagyo, ang kabiguan ay hindi teorya. Ito ay nakamamatay.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com