Sa pamamagitan ng mabilis at sama-samang aksyon ng pulisya ay matagumpay na nailigtas ng mga awtoridad ang isang negosyante na dinukot sa Lungsod ng Cabanatuan sa Nueva Ecija nitong Lunes, Enero 26, 2026, at naaresto ang lahat ng tatlong suspek na sangkot sa krimen sa loob ng wala pang 10 oras mula ng maganap ang insidente.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-7:52 ng umaga, ang 59-anyos na biktima ay sapilitang tinutukan ng baril ng tatlong lalaking suspek pagdating niya sa kanyang bodega sa Barangay Kapitan Pepe, Lungsod ng Cabanatuan.
Kinuha rin ng mga suspek ang pulang pick-up truck ng biktima at tumakas patimog hanggang ilang sandali matapos ang pagdukot, humihingi umano ang mga suspek ang ₱5 milyon kapalit ng pagpapalaya sa biktima.
Habang tumatakas patungong Barangay Bakod Bayan ng parehong lungsod, ang mga suspek ay nasangkot sa isang hit-and-run incident na ikinasugat ng dalawang sibilyan.
Kasunod ng insidente, iniulat na pinagbabato ng mga lokal na residente ang sasakyan ng mga suspek habang ang mga sugatang sibilyan ay agad na dinala sa kalapit na ospital para sa medikal na paggamot.
Kaagad pagkatapos maiulat ang krimen, ang tracker team at operating unit mula sa Cabanatuan City Police Station, Provincial Intelligence Unit, 1st Mobile Force Company, PMFC, RSOG 3, at San Miguel Municipal Police Station ay naglunsad ng koordinadong pagtugis sa mga suspek.
Ang biktima ay ligtas na nasagip kalaunan sa Barangay Bakod Bayan, habang ang kanyang ninakaw na sasakyan ay natagpuan sa ibang lugar ng parehong barangay.
Matapos magtamo ng flat tire ang kanilang sasakyan, iniwan ito ng mga suspek at tumakas nang hiwalay gamit ang ibang mga sasakyan o pampublikong transportasyon.
Gamit ang tracking data mula sa ninakaw na cellphone ng biktima, natunton at naaresto ng pulisya ang isang 49-taong-gulang na AWOL na tauhan ng pulisya at residente ng Barangay Mabini Extension, Cabanatuan City, sa Barangay San Juan, San Miguel, Bulacan, bandang alas-5:52 ng hapon nang parehong araw.
Ang suspek, na kinilalang utak ng pagdukot at pinsan ng biktima, ay naharang habang diumano ay tinatangkang ibenta ang ninakaw na cellphone.
Ang follow-up operation ay humantong din sa pagkaaresto sa dalawang natitirang suspek: isang 34-taong-gulang na lalaki mula sa Barangay Barrera, Cabanatuan City, at isang 27-taong-gulang na mula sa Palayan City, Nueva Ecija, na nahuli sa kani-kanilang mga barangay.
Kasunod nito ay pinuri ni PRO3 Director Ponce Rogelio I. Peñones Jr. ang mga sangkot na yunit ng pulisya sa ilalim ng pangkalahatang pangangasiwa ni PColonel Heryl Daguit, Provincial Director, NEPPO para sa kanilang bilis, koordinasyon, at propesyonalismo, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng nagkakaisang aksyon at napapanahong pagbabahagi ng impormasyon. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com