SAN PASCUAL, Batangas — Nanawagan ang mga residente ng Brgy. San Teodoro laban sa Time Ceramic, na matatagpuan sa Brgy. Gelerang Kawayan, dahil sa sinabing matinding ingay, makapal na usok, at mabahong amoy na nagmumula sa kanilang generator sets.
Ayon sa mga reklamo na ipinost sa social media at ipinadala sa barangay, ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga generator ay nagdudulot ng matinding ingay, lalo na sa gabi, na nakaaapekto sa pahinga at kalusugan ng mga residente.
Iniulat din ang pagkalat ng maitim na usok at masangsang na amoy na nagdudulot umano ng kahirapan sa paghinga, pagkahilo, ubo, at pagsusuka, lalo sa mga bata at matatanda. Ilan sa mga residente ang nagpakita ng medical records na nagpapatunay ng respiratory infection, habang may isang pamilya na gumastos ng halos ₱27,000 sa pagpapagamot ng kanilang anak.
Dahil dito, hiniling ng mga residente ang agarang inspeksiyon at imbestigasyon, at nanawagan na huwag munang i-renew at suspendihin ang business permit ng Time Ceramic hanggang makatupad ito sa environmental laws and regulations.
Ayon sa kanila, hindi layunin ng reklamo na hadlangan ang negosyo, kundi tiyakin na hindi nalalagay sa panganib ang kalusugan ng komunidad at ng kapaligiran. Hiling nila na ayusin ng kompanya ang kanilang operasyon upang maiwasan ang pinsala sa mga karatig-lugar.
Hanggang sa ngayon, wala pang pahayag ang Time Ceramic kaugnay sa nasabing isyu.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com