ni Allan Sancon
TRENDING ngayon sa social media ang viral video nina Vhong Navarro at Darren Espanto habang nagsasayaw, na may agaw-eksena rin si Vice Ganda sa likuran.
Sa nasabing clip na unang kumalat sa Facebook at TikTok, makikitang todo-practice sa sayaw sina Vhong at Darren habang nasa background si Vice na unti-unting naghuhubad—na malinaw na hindi niya alam na may video.
Ayon sa mga netizen na nakapanood ng video, tila focus na focus sina Darren at Vhong sa sayaw, pero kapansin-pansin na parang pinipigilan na ni Vhong ang tawa ni Darren nang makitang may ginagawa si Vice sa likuran.
Sa background ng video, makikitang isa-isang tinatanggal ni Vice ang kanyang pantalon at jacket, hanggang sa maiwang ang tanging suot na lamang ay ang panloob na one-piece bathing suit—isang eksenang agad pumukaw sa atensyon ng mga manonood.
Mas lalong umingay ang usapan nang mismong si Vhong ang mag-post ng video sa TikTok na may caption na, “Practice pa lang sana ‘to namin ni Darren pero ipost ko na din baka mag trending!”
At hindi nga nagkamali si Vhong dahil sa loob lamang ng maikling panahon ay umabot ito sa halos 23 million views, dahilan para maging usap-usapan sa iba’t ibang platform.
Hindi rin nagtagal ay nag-react si Vice Ganda sa viral post, na hinaluan ng biro at kunwaring inis. “Bakit n’yo ko tinatawanan? Akala n’yo natutuwa ako sa ginawa n’yo ha. Nakita ko ‘yung TikTok na pinost n’yo talaga,” pabirong galit na pahayag ni Vice.
Sagot naman ni Vhong na parang walang kamalay-malay, “Ano bang nangyari? Trending na nga eh.”
Dagdag na sasgot ni Vice, “WOW! Kulang pa ba, gusto pa nating magpa-viral talaga.”
Sa gitna ng kulitan, hindi rin nagpahuli si Vhong sa pagbibiro: “Sobrang trending ha, panalo tayo roon,”habang nagtatawanan ang tatlo.
Sa huli, sinelyuhan ni Vice ang usapan sa kanyang linya na umani ng hiyawan online: “Balakang ko on national TV,” na lalong ikinatuwa ng kanilang fans.
Samantala, umani rin ito ng halo-halong reaksiyon mula sa netizens. May mga natawa at nagsabing “natural lang” ang pangyayari dahil sa pagiging komedyante ni Vice, habang may ilan namang nagsabing dapat ay mas naging maingat sa pag-post.
Kalaunan, napag-alaman na tinanggal na ang viral video sa TikTok matapos itong ma-flag at maalis dahil sa violation ng platform guidelines—ngunit kahit wala na ito roon, patuloy pa rin ang diskusyon at memes na umuusbong sa social media.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com