ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ISA si Andrew Gan sa mga aktor na hindi nawawalan ng projects.
Nakatutok lang lagi si Andrew sa kanyang craft bilang actor, at sa mga pinagkakaabalahan niyang negosyo.
Isang versatile na aktor si Andrew. Bukod sa paglabas sa TV at pelikula, pati teatro ay napapanood din siya. Tinampukan niya recently ang stage play na “Florante at Laura” ni Francisco Balagtas. Nakasama niya rito si Preet Singh bilang si Laura.
Naalala ko tuloy, nag-flash back sa akin na noon ay sumabak din si Andrew sa kantahan sa isang fund-raising show na ginawa ng aming media group na TEAM (The Entertainment Arts & Media).
Anyway, nang nakahuntahan ko ang actor-chef-businessman kamakailan ay inusisa namin ang mga project na pinagkakaabalahan niya lately.
Pahayag sa amin ni Andrew, “Mayroon po akong lalabas na vertical drama, dalawa bale ito tito, this 2026. And sa What Lies Beneath po na TV series, nag-guest din po ako.”
Nagbigay pa ng ibang detalye si Andrew hinggil sa dalawang vertical dramang ito.
Aniya, “Ang title po ng isa ay “Kapatid Kaagaw” with Diego Loyzaga, Sarah Lahbahti, Kelly Day and ako. Ito po ay under ng Viva at sa direksiyon ni Christian Lat. Then, iyong isa pa po na ang title ay “Mawala Man Ang Lahat” na under Iwant naman. Ang leading lady ko po rito ay si Kate Alejandrino bilang si Raffy Francisco.
“Iyon pong sa Viva project, bad guy ang character ko. Sa Iwant naman, good boy ako na sobrang inapi ang character ko,” paliwanag pa ni Andrew.
Ano sa palagay niya ang epekto sa showbiz sa pagsulpot ng vertical drama?
Tugon niya, “Sa palagay ko, ganito na ang bagong platform na magiging effective. Kasi even ako, hindi na ako nanonood ng TV. If may gusto akong panoorin na work ko, sa cellphone na e, kasi mas mabilis and accessible.”
Aabangan pa lang ba o naipalabas na ang guesting niya sa What Lies Beneath? Ano ang natoka sa kanyang role rito?
“Aabangan pa lang po tito. Not sure ako what episode e, hahaha!
“Iyong character ko po rito ay bawal pa po yatang sabihin, tito,” nakatawang sambit pa ni Andrew.
Ano pa ang wish niyang mangyari sa kanyang showbiz career, especially sa pagpasok ng 2026?
“Ako palagi kong sinasabi, na grateful ako sa mga naibibigay sa akin na work. Kasi alam naman natin nowadays, sobrang dami ng artista, even mga influencers nagiging artista na rin sila.
“So ako, grateful ako na kahit paano sa seven years sa industry ay mayroon pa rin pong nakaaalala na i-cast ako sa mga projects.
“Na kahit paano ay nagbubunga naman po iyong mga pinaghihirapan at mga luha na nailuha, ‘yung time na wala pang naniniwala sa akin,” pakli pa niya.
Ano na ang update sa nabanggit niyang plano na mag-produce ng movie? Musta na ito, itutuloy na ba niya this year?
“Yes tito. Waiting lang po kami ng team ko sa meeting with Viva.”
Dagdag ni Andrew, “More on line produce po ako rito… pang Viva apps po ito sa ngayon.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com