FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
KUNG napanood mo ang recent episode ng “Storycon” sa One News TV, maa-appreciate mo ang pagiging candid ni Navotas Rep. Toby Tiangco — at dahil doon, masasabi ko ito: mas inclined akong maniwala sa kanya.
Hindi ko sinasabing perpekto si Tiangco, pero kung ikokompara mo siya kay Batangas Rep. Leandro Leviste — na siyang nagsindi ng mitsa sa isyu nang i-call out ang umano’y P2-million “Christmas bonus” at kung ano-ano pa para makakuha ng atensiyon — well, pipiliin ko pa rin ang mas beteranong mambabatas.
Si Tiangco ay nasa Kongreso na mula pa noong 2010, sapat na katagal para magsalita nang hindi nilalamon ng ambisyon ang katotohanan. Kaya ang sinasabi niya ay hindi bunga ng rebelde o galit na paninindigan, kundi ng institutional memory.
Hindi rin niya ni-romanticize ang mga alaala niya; malinaw niyang sinabi na may tinatawag talagang “break allowances.” Sa buong panahon ng kanyang panunungkulan, tanda niya ang mga bonus na ito na ibinibigay tuwing Undas, Pasko, at Holy Week — dahil humihinto ang sesyon at inaasahang mas maraming oras, at pera, ang gagastusin ng mga mambabatas sa kanilang mga distrito.
Inamin niya na tumanggap siya ng P1.5 milyon para sa Undas break, nang walang pagtatangkang maghugas-kamay na parang si Pilato o magpakita ng paghamon sa awtoridad. Simple lang: nag-disclose siya at hinikayat ang House leadership na maging mas transparent at sana’y makaiwas sa mas malaking kontrobersiya.
Pero huwag tayong pumikit. May problema rito: ang mga bonus check na ito ay nangangailangan lang ng signed voucher at walang liquidation. May problema rin sa ilang kongresista na isinasama ang mga bonus na ito sa MOOE para magmukhang maayos at lehitimo.
Dito pumapasok ang sinabi ng dating COA commissioner na si Heidi Mendoza kung ano ang dapat gawin: ilabas sa publiko ang itemized lists. Ayon sa kanya, ang transparency sa paggastos ng mga bonus na ito ay dapat normal na gawain, hindi rebolusyonaryong hakbang. Ngayon, higit kailanman, iyan ang obligasyong may utang ang mga kongresista sa kanilang mga constituent at sa publiko.
Frasco’s face
Sa gitna ng Christmas season, isang photographer ang nag-udyok ng matinding scrutiny laban kay Tourism Secretary Christina Frasco — matapos niyang ilabas online ang kanyang frustration tungkol sa isang magazine cover na mas itinampok si Frasco kaysa mga destinasyong sinasabi niyang siya ang nag-document para sa Department of Tourism.
Nag-viral ang post at kalaunan ay biglang nawala, matapos umani ng mga patutsada at panlalait laban kay Frasco. Madaling nakisakay ang publiko sa akusasyon na ginamit umano ang government resources para i-promote ang isang personalidad imbes ang Philippine tourism.
Dahil sa matitinding batikos, napilitang maglabas ng pahayag ang DOT — at deretsahan nitong inilinaw na ang magazine na tinutukoy, Philippine Topics, ay isang private publication. Hindi ang DOT ang nag-supply ng retrato at wala rin itong impluwensiya o pag-aproba sa cover na nagtatampok kay Frasco.
Sa panahong ang pera ng taongbayan ay itinuturing ng ilang ahensiya ng gobyerno na parang raffle prize sa Christmas party, madali talagang isipin na pareho rin ang ginawang pagkakamali ng DOT.
Pero mukhang hindi. At mas maraming dahilan para paniwalaan ang kanilang paliwanag. Ilagay natin sa simple: ang mga magazine editor ay negosyante — nagbebenta sila ng produkto, at ang pinakamalaking panghatak ay kung ano ang ilalagay nila sa cover. Bago sumigaw ng “Korupsiyon!” — tumigil ba ang mga basher para i-appreciate ang mukha at tindig ng DOT chief? Napakaganda niya!
Kaya hindi na rin nakapagtataka kung ang pagpili kay Frasco bilang cover girl ay hindi propaganda, kundi negosyo. Umiikot ang turismo sa imahen, appeal, at atensiyon. Bilang isang cabinet secretary at miyembro ng isang political family, tiyak na alam niya na ang mga independent publisher ay gagamit ng kung ano ang nakahahatak ng tingin — basta pasok sa ethical at aesthetic standards.
Hindi ko crush si Frasco, pero hindi rin niya kasalanan na ganoon siya kaganda sa cover.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com