MATAPOS ang dalawang araw na paghahanap, natagpuan na ang bangkay ng isang lalaking pinaniniwalaang nalunod sa ilog sa Brgy. San Mateo, bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan, noong bisperas ng Bagong Taon, 31 Disyembre.
Sa ulat, kinilala ang biktimang si Kevin Ramboyong, 27 anyos, residente ng Malaria, North Caloocan, na natagpuang lumulutang sa bahagi ng Bitbit River, sa Brgy. San Mateo, Norzagaray.
Ayon sa ulat, nagpunta ang biktima kasama ang ilang kaibigan sa naturang ilog noong 31 Disyembre upang magdiwang ng bisperas ng Bagong Taon.
Ngunit sa gitna ng kasiyahan ng lahat, bigla na lamang naglaho ang biktima habang naliligo sa ilog na hindi agad napansin ng kaniyang mga kasama dahil sa dami ng tao at bilis ng pangyayari.
Matapos maiulat ang insidente, agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga lokal na awtoridad at mga volunteer at ginalugad ang kahabaaan ng ilog.
Matapos ang mahigit 48 oras na operasyon, tumambad ang bangkay ng biktima nang lumutang ito sa bahagi ng ilog na hindi kalayuan kung saan siya huling nakitang buhay.
Kinumpirma ng mga kamag-anak ng biktima na kay Kevin nga ang natagpuang bangkay kaya sobrang pighati ang pamilya dahil ang sana ay masayang pagsalubong sa Bagong Taon ay nauwi sa isang trahedya. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com