NAARESTO ng mga awtoridad nitong Sabado, 3 Enero, ang apat na kalalakihan habang hinahanap ang isa pa nilang kasama, na itinuturong responsable sa pagpapasabog ng nakamamatay na paputok bago ang pagsalubong ng Bagong Taon noong 31 Disyembre, sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan.
Dahil sa malakas na pagsabog ng sinasabing ‘deadly firecracker,’ nasira ang ilang mga bahay at siyam na pampasaherong bus na nakaparada sa Brgy. Santiago, sa nasabing lungsod.
Kinilala ni P/Lt. Col. Rommel Geneblazo, hepe ng Malolos CPS, ang mga naarestong suspek na sina alyas Mark, alyas Henry, alyas Ben at alyas Jere habang pinaghahanap pa ang isa nilang kasama na kinilalang si alyas Jepoy.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na batay sa mga kuha ng CCTV, sinindihan ng mga suspek ang paputok dakong 11:30 ng gabi sa kahabaan ng Jacinto St., sa Brgy. Santiago at sa pagsabog ay nasira ang tatlong bahay at siyam na pampasaherong bus na nakaparada sa lugar.
Sinampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 7183 (alarm and scandals at malicious mischief) sa City Prosecutor’s Office sa Malolos at inilagay sa kustodiya ng Malolos CPS.
Ayon kay Geneblazo, noong una ay nabahala ang mga residente sa lugar na ginamit ng mga suspek ang improvised explosive devised (IED) para i-set up ang pampasabog na nagdulot ng takot sa lokalidad.
Subalit lumitaw sa imbestigasyon ng explosive at ordinance unit ng pulisya na walang nakitang ebidensya ng IED materials kundi mga paper materials lamang para sa paputok.
Idinagdag pa ng opisyal na ang mga may-ari ng bahay at ng mga pampasaherong bus ay maaaring magsampa din ng mga legal na kaso laban sa mga suspek para sa mga pinsala sa kanilang mga ari-arian. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com