ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MINSAN pang napatunayan ang husay ng Pinoy rap icon na si Andrew E., nang manalo siyang Best Rap Artist sa katatapos na 38th Aliw Awards na ginanap sa Fiesta Pavilion ng The Manila Hotel last December 15, 2025.
Dito’y kinilala at pinarangalan ang mga natatanging gawa at outstanding performances sa live entertainment sa bansa, sa concerts, sa teatro, at musika.
Bale, back to back na nakopo ni Andrew E. ang karangalang ito dahil last year ay siya rin ang itinanghal na Best Rap Artist of the Year sa Aliw Awards.
Maituturing na isang alamat si Andrew E. sa larangan ng rap music. Ang kanyang talento sa larangan ng musika ay kinikilala ng madla.
Idolo at tinitingala siya ng maraming rap artist, mula pa noon, hanggang sa ngayon, lalo na sa mga nagsisimula pa lang noon dahil sa kakaibang estilo ni Andrew at dahil sa kapang-kapa niya ang panlasa at kiliti ng madlang pipol.
Kaya naman hindi na mabilang ang marami niyang hit songs na kahit ilang taon o dekada na ang lumipas, ay sadyang in na in pa rin sa madla at kayang-kayang kantahin kahit ng mga bata.
Proud na proud naman ang maybahay ni Andrew E na si Ms. Mylene Espiritu sa bagong karangalang sinungkit ng astig na rapper ng ‘Pinas. Buong pagmamalaking post sa kanyang FB ni Ms. Mylene para sa kanyang mahal na esposo:
“Wooooohooooo!!!! Congratulations Love!!! Andrew Ford Espiritu
Another One!!!”
Sa kanyang acceptance speech, pinasalamatan ng King of Pinoy Rap ang Panginoon, ang kanyang pamilya, at ang mga naging kasama sa paglikha ng mga awitin.
Aniya, “Thank you so much. Winning this prestigious award for the very first time was already amazing, but winning it twice in a row is unbelievable. Wow, as in real wow!
“First and foremost, I would like to thank our Lord, God Heavenly Father for giving me a blessing of this wonderful talent and artistry. And to my family, my wife Mylene, my kids Fordy, Jassley, and Ichiro and the people who came here, together with me…”
Pinasalamatan din ni Andrew ang mga kasama niya that night na katuwang sa mga kantang ginagawa niya, plus ang chairman and founder ng Aliw Awards na si Alice Fernandez-Reyes.
Incidentally, ang mga kasamang nominees ni Andrew rito ay sina Gloc-9, Shantidope, Flow G, at Nik Makino.
Anyway, sa December 20 ay mayroong concert si Andrew sa Music Museum, ang “Dongalo 30th Rap Anniversary Concert”. Ito ay bahagi ng selebrasyon ng 30th anniversary of Dongalo Wreckords. Featured artists sa naturang event ang mga bigatin at kilala sa larangan ng rap music, kaya hindi ito dapat palagpasin.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com