ISANG bagong pangalan ang ipinakilala sa music scene—si Celesst Mar, 26, isang Pinay-Hawaiian singer na ipinanganak at lumaki sa Hawaii.
Tubong Tarlac ang kanyang ina habang Amerikano naman ang kanyang ama. Matagal nang hilig kumanta si Celesst, simula pa high school, ngunit late bloomer siya pagdating sa profesional na recording dahil nitong 2024 lang niya seryosong sinimulan ang music career sa Pilipinas.
Kahapon, December 10, 2025, ginanap ang masayang Listening Party ng kanyang kauna-unahang full album na Fawn sa Asian Pandan Café, na ipinakilala ang kanyang tunog na halong R&B, alternative, at pop. Kabilang dito ang kanyang debut single na Your Act gayundin ang espesyal na Christmas track na Holy Night.
Kilala si Celesst sa pagsusulat ng sarili niyang mga kanta, at ang buong album ay kwento ng emosyon, pag-ibig, sakit, denial, galit, at pagharap sa katotohanan.
Bukod sa pagiging singer-songwriter, nakapagtapos si Celesst ng Communication at Political Science at ngayon ay college professor, patunay na hindi lamang talento ang baon niya kundi talino rin. Pero kahit abala sa akademya, hindi nawawala ang hilig niya sa musika at sa dagat. Isa siyang Pisces, at natural ang pagkahilig niya sa karagatan. Mahilig din siyang mag-freedive.
May pagkakahawig ang boses ni Celesst kay Mariah Carey gayundin sa looks. Kahit bata pa at makabagong artist, lumaki si Celesst na hinahangaan sina Sharon Cuneta at Aegis.
Sinabi rin ni Celesst na gusto niyang subukan ang pagsali sa singing contest na The Voice at kung may chance siyang ma-interview, pangarap niyang makaharap ang idolo niyang si Boy Abunda.
Sa ngayon, unti-unting lumalawak ang fanbase ni Celesst dahil sa kanyang social media posts at sa kanyang kakaibang musical identity. At ngayong tuluyang inilunsad ang Fawn, malinaw na mas handa na siyang ipakita kung sino siya bilang artist—isang Pinay-Hawaiian na may puso, lalim, at tinig na kayang makipagsabayan sa pinakamahuhusay na singer. (Allan Sancon)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com