Malakas ang Sigaw, Mahina ang Basehan
Maingay at matapang ang pahayag ni Senadora Imee Marcos sa Quirino Grandstand. Ngunit gaano man kalakas ang sigaw, hindi nito napalitan ang katotohanan na wala siyang ipinakitang kahit isang patunay. Mabigat ang akusasyon, pero walang bigat ang ebidensya.
Diretsong sinabi ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia:
“Kung seryoso ang paratang, dapat seryoso rin ang ebidensya. Hindi puwedeng puro galit at drama ang ihain sa publiko.”
Walang Dokumento. Walang Resulta. Walang Patunay.
Ang pag-akusa ng paggamit ng ilegal na droga ay hindi basta-basta. Dapat itong suportado ng test results, medikal reports, o opisyal na dokumento. Wala sa mga ito ang dala ni Imee. Walang pinakita. Walang pruweba. Puro salita.
Binigyang-diin ni Goitia:
“Kung may ebidensya, ilabas. Kung wala, huwag paglaruan ang tiwala ng bayan.”
Matagal Nang Napatunayan: Negative ang Pangulo
Ito ang hindi puwedeng balewalain. Boluntaryong nagpa-drug test si Pangulong Marcos sa St. Luke’s noong 2021 at malinaw na lumabas na negative sa cocaine. Pinatotohanan pa ito ng mga opisyal ng ospital sa Senado. Hindi itp palabas. Ito ay dokumentado. Kung totoo ang paratang, dapat sana’y ito na ang unang nabangga ng kanilang kwento.
Hindi Makatarungang Isama ang Unang Ginang
Idinamay pa ni Imee ang Unang Ginang Liza Araneta Marcos kahit walang ibinibigay na patunay. Ang isang taong may malinaw at maayos na rekord sa trabaho ay hindi dapat ginagawang kasangkapan sa pampulitikang drama.
Sabi ni Goitia:
“Kung walang sapat na ebidensya, hindi nararapat idamay ang kahit sino, lalo na ang Unang Ginang. Hindi ito ang uri ng serbisyo na dapat ibinibigay sa bayan.”
Pamumunong Kita sa Gawa, Hindi sa Tsismis
Habang maingay ang paratang, tuloy naman ang trabaho ng Pangulo. May direksyon ang pamahalaan. May ginagawa. May nakikita ang tao. Hindi ito kilos ng isang taong sinisiraan.
Sabi ni Goitia:
“Makikita sa araw-araw na trabaho kung sino ang totoong naglilingkod. At malinaw iyon sa ginagawa ng Pangulo.”
Huwag Ihalo ang Problema ng Pamilya sa Usaping Bayan
Normal ang tampuhan sa pamilya, lalo na sa mundo ng politika. Pero hindi ito dapat gawing dahilan para guluhin ang usaping pambansa. May responsibilidad ang bawat opisyal na maging maingat sa bigat ng salitang kanilang binibitawan.
Isang Panawagan sa Katotohanan
Ayon kay Goitia, ang sinumang maglalabas ng paratang ay dapat may kasamang matibay na patunay, at kung wala naman ay hindi dapat manggulo o magsimula ng pagdududa sa publiko. Sa harap ng mas seryosong hamon ng bansa, hindi kailangan ang mga alegasyong walang laman. Hangga’t walang malinaw na ebidensya, mga kwento lang ito na hindi dapat gawing batayan ng paghusga. Ang kailangan ng bansa ay katotohanang may substansya, hindi mga linyang walang bigat.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayang at sibikong organisasyon:
Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com