KOMPLETO na ang 74 na bansa at ang kanilang mga gymnast na lalahok sa 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships na magsisimula sa Huwebes sa Manila Marriott Hotel Grand Ballroom sa loob ng Newport World Resorts sa Pasay City.
“Nais naming i-welcome ang lahat ng ating mga atleta, coaches at opisyal na sasali sa world juniors at nagpapasalamat kami sa kanilang mainit na pagtugon sa aming international competition,” sabi kahapon ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion matapos makatanggap ng ulat tungkol sa pagdating ng lahat ng delegasyon.
Ang pangunahing tagapagtaguyod ng global gymnastics spectacle, sinabi ni Carrion na nagsimula nang dumating ang mga delegasyon sa bansa nitong weekend para sa limang araw na kapana-panabik na aksyon sa torneo na suportado ng Office of the President, Philippine Sports Commission at Department of Tourism.
Binigyang-diin niya na ang bilang ng mga lalahok sa elite meet na inaprubahan ng International Gymnastics Federation (FIG) ay lumampas na sa unang dalawang edisyon nito.
Ang ikalawang World Junior Championships na ginanap sa Antalya, Turkey ay nagtala ng 64 bansa at 283 atleta, habang ang kasalukuyang edisyon—na suportado rin nina Smart/PLDT at may Cignal TV bilang opisyal na broadcaster—ay nakahigit na sa doble ng bilang, na halos 750 kalahok.
“Ipinapakita nito ang lumalaking interes sa maganda at dynamic na Olympic sport na ito sa buong mundo, kaya’t ang mga miyembro ng FIG ay nagsusulong ng kanilang pinakamahusay na young gymnasts dahil ito ay malaking hakbang sa kanilang pag-unlad,” dagdag pa ni Carrion tungkol sa kompetisyong suportado rin ng Milo, Pocari Sweat at Sen. Pia Cayetano.
Dahil mahalagang pagkakataon ito para sa mga batang Pinoy gymnasts na ma-expose sa world-class competition, nagpasalamat din siya na pinayagan ng international gymnastics body ang Pilipinas na makapag-field ng boys at girls squads sa torneo.
Pangungunahan sila nina Karl Eldrew Yulo, na bagong balik mula sa intensive training sa Japan, at Elizabeth Antone, na nakasungkit ng silver sa men’s vault at bronze sa women’s all-around sa Asian Artistic Gymnastics Junior Championships sa Jecheon, South Korea noong Hunyo.
“Habang sina Paris Olympians Carlos Yulo, Aleah Finnegan at Emma Malabuyo ay napatunayan na ang kanilang sarili sa world stage, kailangan nating ipagpatuloy ang kanilang mga naabot kaya isa ito sa pangunahing dahilan namin para dalhin ang world juniors dito,” sabi ng pinuno ng GAP.
“Ipinagdarasal namin na ang exposure ng ating young gymnasts sa prestihiyosong kompetisyong ito ay magbibigay-inspirasyon sa kanilang mag-excel at mas gumaling pagdating nila sa senior ranks,” giit ni Carrion.
Dagdag pa niya, “batay sa initial feedback na natatanggap namin, kuntento ang mga atleta at opisyal sa accessibility ng competition arena dahil hindi na nila kailangang maglakbay nang malayo.”
Lahat ng official hotels—Manila Marriott, Sheraton Manila, Hilton Manila, Belmont Manila, Hotel Okura, Savoy Hotel at Holiday Inn Express—ay walking distance lamang mula sa venue, ani Carrion.
Malapit din ito sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3. Ang 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships ay may Philippine Airlines bilang opisyal na carrier at St. Luke’s Hospital bilang tagapagbigay ng medical at hospital services. (GAP / HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com