HARD TALK
ni Pilar Mateo
PARA sa pre-nuptial photoshoot sa pinaplano nilang pag-iisandibdib ang dahilan ng paglibot nina Kiray Celis at kasintahang si Stefan Estopia sa Land of the Rising Sun. Sa Japan!
Paborito na nila itong puntahan. Dahil sa klima. Sa pagkain. Sa kultura ng mga hapon.
Kahit na una nilang plinano ang Cappadoccia sa Turky para mas ma-drama nga naman kung nakasakay sila sa hot air balloons sa kanilang pictorial. Pero ang ninang nila na may-ari ng isang travel agency ang siya na ring pumigil sa mag-sing-irog sa plano nilang puntahan.
Kaya in-enjoy nila ang pagpo-pose sa mga pag-emote nila sa iba’t ibang sulok ng Japan.
Kaya ikinagulat na nga lang ni Kiray nang mag-viral siya. Hindi dahil sa nakitang ganda ng ginawa nila. Kundi ang pag-sampa nito sa ibabaw ng isang vending machine. Na pinapasyalan naman talaga ng mga turista at ng maraming tao kasama na ang mga kababayan nating OFWs doon.
May mga minasama ang akto na ‘yun ni Kiray. Pero nilinaw nito na may permiso naman sila nang gawin ang pagpo-pose para sa kanilang pre-nup.
Just the same, humingi ng sorry si Kiray sa mga hindi nakai-intindi sa kanilang ginawa. Kaya lesson learned din ‘yun sa kanya para mas maging sensitive sa mga ganoong bagay lalo na kung mangyayari sa ibang bansa na may ibang kultura at paniniwala.
Humarap sa media si Kiray para sa pormal na pagpapakilala ng mga produktong pinagkakaabalahan niya sa halos iisang taon ng pag-aaral, pag-o-online, pagbebenta, at pagpapaingay sa mga ito.
Hindi lang para gumanda at kuminis ang balat kundi para na rin sa magandang takbo ng kalusugan ng gagamit ng mga ito.
Nang makita pa lang namin ang Pwettura, naaliw kami sa nakaisip ng termino. Tama nga, pamahid ‘yun sa balat lalo na sa mga parte ng katawang may isyu sa pag-iiba ng kulay sa kili-kili, sa singit, sa tuhod at iba pa pati na nga sa bandang bumbum o pwetan.
Nang mapanood namin si Kiray sa papel niya sa Malditas in Maldives with Arci Muñoz, na napuna at nabigyang karangalan ang akting niya, ‘yung pwet niya ang bumalandra sa kamera ni Direk Njel de Mesa sa isang eksena.
Makinis ang mabilog na behind ni Kiray, ah.
Kasi naman, matagal na pala niyang gamit ang ipinakikilala niya sa madla na cream.
Ang payat na ni Kiray. Twenty one ang sukat ng bewang. Nawala na ang malaki niyang balakang. Svelte, sabi nga. Height na lang ang ‘di gumana.
Pero sexy in her own way.
Sinampolan kami ni Kiray ng katakot-takot na mga produkto niya. Ang iba’t ibang flavors ng kanyang tsaa.
Sabi ng itinuturing ng matagumpay na CEO ng kanyang business, “Wala naman pong magic para masabing kapag gumamit nito eh, kaagad na ang magiging transformation. Ako po pinagtiyagaan ko siyang gamitin consistently kaya nakita naman po na maganda ang resulta sa ilang panahon.”
Nasagot ni Kiray ang lahat ng tanong sa ikot ng buhay niya. Pati na ang pagpapakasal nila ni Stefan. Pati tungkol sa pre-nup agreement.
Hindi naman kailangan. Sa personalidad nga raw niya, baka siya pa ang magluko. Pero sobrang mahal nila ni Stefan ang isa’t isa kahit they are the exact opposites.
Wala namang takot para mas matagalan pa ang pagpapakasal nila. Napakabuting anak kasi ni Kiray. Inuna ang pangarap ng mga magulang. Binigyan niya ng bahay. Pinag-aral ang mga pamangkin. Kaya nga raw hindi muna niya naisip ang magka-anak.
Pero ngayon, game na game na siya to dare her future with Stefan.
Kasabay ng paniniwala niya at pagkakaroon na ng confidence sa sarili at matinding empowerment.
Tatangkilikin sigurado ang Hot Babe at Skin Vibe products niya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com