SIPAT
ni Mat Vicencio
DAHIL sa iba’t ibang kontrobersiyang kinakaharap nina Senator Chiz Escudero at Senator Jinggoy Estrada, marami ang nagsasabing kailangang tanggapin na lamang ng dalawang mambabatas na tapos na ang kanilang karera sa politika.
Sakali mang makalusot sina Chiz at Jinggoy sa mga kasong isinampa at isasampa pa dahil sa flood control project scam, ‘butas ng karayom’ naman ang kanilang papasukin para manalo sa darating na 2028 elections.
Sa mga rali at demo, pati sa social media, bugbog-sarado sa puna at mura sina Chiz at Jinggoy simula nang pumutok ang isyu ng flood control project scam at madawit ang kanilang mga pangalan.
At mukhang mahirap lusutan ang mga kasong kinakaharap ng dalawang senador dahil na rin sa mga ebidensiya at testigong magpapatunay sa kanilang mga ginawa lalo na ang mga opisyal ng DPWH na humarap sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.
Mabigat at matindi rin ang pressure ng mga didinig ng kaso laban kina Chiz at Jinggoy, lalo na ngayon ang galit ng mamamayan ay halos ‘pumutok sa sukdulan’ dahil na rin sa sinabing garapalang pagnanakaw ng mga politiko sa kaban ng bayan.
Bukod kina Chiz at Jinggoy, anim pang senador na mga reeleksiyonista ang inaasahang tatakbo sa 2028 elections tulad nina Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. JV Ejercito, Sen. Loren Legarda, Sen. Mark Villar, Sen. Raffy Tulfo at Sen. Robin Padilla.
At sa pagpapatuloy ng hearing ng Blue Ribbon Committee sa November 14 na muling pamumunuan ni Senator Ping Lacson, abangan kung meron sa anim na relectionist senators ang ‘madadawit’ ang mga pangalan sa flood control project scam.
Siya nga pala, hindi na tatakbong senador sa 2028 si Sen. Joel Villanueva dahil tapos na ang kanyang termino. Malamang na tumakbo na lamang bilang barangay kagawad o kapitan si Joel, o kaya mag-volunteer na lamang na maging barangay tanod sa kanilang bayan sa Bulacan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com