IPINAHAYAG ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang kanyang matibay na suporta sa mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) matapos ang mga pahayag na bumabatikos sa kanilang katapatan at layunin sa paglilingkod.
“Ang ating mga sundalo at coast guard ay naglilingkod hindi para sa politika o para sa ibang bansa, kundi para sa sambayanang Filipino,” ani Goitia.
“Ang pagdududa sa kanilang katapatan nang walang patunay ay isang insulto sa bawat nagsasakripisyong Filipino para sa bayan.”
Ayon kay Goitia, ang ganitong mga akusasyon ay “nakasisira sa pagkakaisa ng bayan sa oras na dapat tayong magkaisa para ipagtanggol ang ating dangal at teritoryo.”
Katotohanan laban sa disimpormasyon
Nagpahayag si Goitia matapos ang palitan ng pahayag nina Rep. Paolo “Pulong” Duterte at PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, na inihayag ni Duterte ang hinala na may impluwensiya umano ng CIA at Estados Unidos sa mga polisiya ng depensa ng Filipinas.
Mabilis itong pinabulaanan ni Tarriela, na tinawag ang mga pahayag na “divisive noise” o mga salitang naghahati-hati sa bansa at nagpapahina sa ugnayan ng Filipinas sa mga katuwang nitong bansa. Binigyang-diin ni Tarriela na ang AFP at PCG ay tapat sa Republika at sa mga Filipino, lalo sa pagprotekta ng West Philippine Sea.
Sang-ayon si Goitia, na sinabing ang ganitong mga paratang ay pabor lamang sa mga gustong pag-awayin ang mga Filipino at pahinain ang loob ng bansa.
“Hindi tapat na malasakit sa bayan ang basta pagbibintang sa ating mga sundalo. Ang matapat na mamamayan ay nagbibigay-suporta, hindi paninira,” paliwanag niya. “Ang ganitong pananalita ay naglilihis sa atin sa tunay na hamon — ang pagtindig laban sa mga banyagang patuloy na inaangkin ang ating karagatan at dangal bilang bansa.”
Aniya, ang disimpormasyon ay isa sa pinakamapanganib na sandata ng panahon — tahimik ngunit kayang gibain ang tiwala ng mamamayan sa kanilang pamahalaan.
“Hindi natin mapangangalagaan ang ating karagatan kung ang laban ay sa pagitan ng mga Filipino mismo,” pahayag ni Goitia.
Paggalang sa mga nagsisilbi
Binigyang-pugay ni Goitia ang AFP at PCG sa kanilang tahimik ngunit matapang na paglilingkod sa bansa sa kabila ng mga batikos at kasinungalingan na ibinabato sa kanila.
“Sa likod ng bawat ingay, patuloy silang naglilingkod nang may dangal at disiplina,” aniya. “Iyan ang tunay na diwa ng kabayanihan — ang maglingkod nang tapat kahit walang pagkilala.”
Dagdag ni Goitia, araw-araw ay sinusuong ng mga sundalo at coast guard ang panganib sa karagatan ng West Philippine Sea at sa mga lugar na tinatamaan ng sakuna.
“Ang bawat hakbang nila ay alay para sa katahimikan at seguridad ng sambayanan,” sabi niya.
Panawagan sa pagkakaisa
Nanawagan si Goitia sa mga lider at mamamayan na maging responsable sa paggamit ng kanilang boses at iwasan ang mga salitang nagdudulot ng pagkakawatak-watak.
“Ang kalayaan sa pananalita ay hindi kalayaan mula sa pananagutan,” paalala niya. “Bahagi ng demokrasya ang pagpuna, ngunit dapat itong ibatay sa katotohanan, hindi sa galit.”
Giit ni Goitia, ang pagkakaisa ng sambayanang Filipino ang pinakamatibay na sandata laban sa mga banta sa ating kalayaan at soberanya.
“Kapag pinoprotektahan natin ang ating mga tagapagtanggol, pinoprotektahan din natin ang ating Republika,” aniya. “Huwag nating hayaang sirain ng disimpormasyon at masamang politika ang tiwala ng bayan.”
Sa huli, nanawagan si Goitia na unahin ang kapakanan ng bansa bago ang masamang praktis ng politika.
“Ang Republika ay mananatiling matatag kung tayo ay nagkakaisa sa paggalang sa katotohanan at sa mga taong nagtatanggol dito,” pagtatapos ni Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayang at sibikong organisasyon: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (BONG SON)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com