PATULOY ang matatag na suporta ng Spikers’ Turf sa volleyball ng Filipinas, matapos nitong muling pagtibayin ang pangako sa pambansang koponan sa pamamagitan ng pagbibigay ng buong kalayaan sa Alas Pilipinas habang naghahanda para sa Southeast Asian Games ngayong Disyembre sa Thailand.
Bilang pangunahin at natatanging men’s volleyball league sa bansa, nagpapakita ang Spikers’ Turf ng kakayahang mag-adjust sa sitwasyon, kung saan papayagan ang mga manlalaro ng national team na magpokus sa kanilang training, camps at paghahanda — kahit pa mangahulugan itong hindi makapaglalaro sa kanilang mga club sa darating na Invitational Conference.
“All-out talaga ang suporta namin sa national team. Kaya pinapayagan namin silang mag-practice, sumali sa camps, o ano man ang plano ng national team,” ayon kay tournament director Mozzy Ravena sa ginanap na press conference ng Invitational Conference sa Discovery Suites sa Ortigas.
Ipinapakita ng desisyong ito ang mas malawak na pananaw ng liga — hindi lamang para sa kompetitibong club play, kundi para sa pangkalahatang pag-unlad at tagumpay ng men’s volleyball ng Filipinas sa pandaigdigang entablado.
Nauunawaan ng liga na maaapektohan ang ilang local teams dahil sa pagkuha ng national team ng ilang manlalaro, kaya naglatag ito ng patas na solusyon — maaaring kumuha ng kapalit na manlalaro ang mga teams base sa bilang ng kanilang mga manlalarong sasama sa Alas Pilipinas.
Ilan sa mga team na may national players ay ang: Cignal HD Spikers (Vince Lorenzo, Owa Retamar, Louie Ramirez, Lloyd Josafat), Criss Cross King Crunchers (Marck Espejo, Kim Malabunga, Eco Adajar), UST-Gameville (Josh Ybañez), at PGJC-Navy Sealions (Jack Kalingking).
Ang mga nasabing manlalaro ay bahagi ng makasaysayang lineup ng Alas Pilipinas na umabot sa post-elimination round ng katatapos na World Championships na ginanap dito sa bansa.
“‘Yung mga teams na may national team players, pinapayagan silang kumuha ng kapalit para sa mga maglalaro sa national team. Pero nasa kanila pa rin kung gusto nilang ipalaro o hindi ‘yung mga national team players nila, at kung hanggang kailan,” paliwanag ni Ravena.
“Kasi hindi rin natin alam, baka pwede pa naman silang makalaro. So bahala na sila roon. Basta kami, all-out kami — sige lang, go lang. Tapos dadagdagan na lang namin kung ilan ang national team players nila, puwede nilang palitan ng parehong bilang. ‘Yan ang support namin,” dagdag niya.
Habang inuuna ang kapakanan ng national team, tuloy pa rin ang Spikers’ Turf sa pagsasagawa ng Invitational Conference na magsisimula sa 27 Oktubre sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan. Tampok dito ang 10 teams, kabilang ang dalawang international guest teams — Kindai University mula Japan at ProVolley Academy mula Australia.
Makapapasok ang top 4 local teams pagkatapos ng elimination round sa round-robin semifinals kasama ang dalawang international teams, na magdadala ng international exposure at karagdagang karanasan para sa mga atletang Filipino.
Hindi lamang ito liga na nagpapahiram ng players — nakikita ng Spikers’ Turf ang sarili bilang pangunahing training ground ng mga future stars ng national team.
“S’yempre ang support ng Spikers’ Turf ay hindi lang pahiram. Kasi kung titingnan mo sa mas malawak na perspektibo, gusto talaga naming i-develop lahat ng players para mas marami silang pagpipilian sa national team pool o lineup. Kaya rin hindi namin puwedeng i-cut short ‘yung tournament natin — para ‘yung iba makapag-develop din,” sabi ni Ravena.
Sa pagpapatuloy ng torneo kahit may mga absent na players, napapanatili ang kompetisyon at nabibigyan ng pagkakataon ang mga up-and-coming players na umangat — na nagpapalakas sa kabuuang volleyball ecosystem ng bansa.
“Kasi sa future, ang gusto talaga namin, sana kada team may isa o dalawa (na national player). Para maikalat naman. ‘Yun talaga ang goal, ‘yun ang dream — na lahat ng teams may national team player. Pero ngayon, ‘yun ang pinakasolusyon na naisip namin: ipa-practice na lang sila for the SEA Games, para malakas tayo sa SEA Games,” pagtatapos ni Ravena. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com