SIPAT
ni Mat Vicencio
NAKAPAGTATAKA kung bakit sa dinami-dami ng mga senador na nakinabang sa P6.3 trillion 2025 national budget, nakalimutan ni Anthony “Ka Tunying” Taberna na banggitin ang pangalan ni Senator Francis “Chiz” Escudero na isa sa may pinakamalaking ‘insertion’ noong nakaraang 19th Congress.
Batay sa report, umaabot sa halagang P142.7 billion ang ‘insertion’ ni Chiz sa 2025 national budget.
Hindi pa kabilang ang milyon-milyong pisong kinasasangkutan ng dating Senate president sa flood control project scam na natalakay sa isinagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Bukod kay Chiz, hindi rin binanggit ni Ka Tunying ang mga pangalan ng kasalukuyang nakaupong senador tulad nina Senator Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Loren Legarda, Sen. Ronald dela Rosa at Sen. Robin Padilla na sinasabing merong mga ‘insertion’ sa 2025 budget.
Sa 15 senador na naunang pinangalanan ni Ka Tunying, marami ang nagtataka kung bakit si Senator Bong Go lang ang tinukoy na merong ‘insertion’ sa tatlong DDS senators at hindi isinama sina Robinhood at Bato.
Anong galit meron si Ka Tunying kay Senator Bong Go?
At dahil sa hindi kompletong pagbanggit ni Ka Tunying ng mga senador na nakinabang sa 2025 budget ‘insertion’, ang 15 senador ang napuruhan ng puna at kritisismo lalo na si Senator Risa Hontiveros na kaagad namang itinangging pumirma sa bicam at sa halip ay bumoto ng ‘no’ sa 2025 budget.
Malinaw din ang naging pahayag ni Senator Ping Lacson nang ibinunyag niyang halos lahat ng mga senador sa 19th Congress ay may ginawang budget ‘insertion’.
Ka Tunying, bakit 15 senador lang ang pinuruhan mo? Partial list o pinili mo lang?
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com