FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NANG mag-anunsiyo ang Department of Education (DepEd) ng dalawang araw na suspensiyon ng face-to-face classes sa Metro Manila nitong Oktubre 13 at 14, idinahilan nito ang “alarming rise in influenza-like illnesses” at ang pangangailangang ma-disinfect ang mga silid-aralan kasabay na rin ang pag-iinspeksiyon sa structural integrity ng mga eskuwelahan. Ang paliwanag, bagamat kombinyente, ay hindi umaakma.
Makalipas ang ilang araw, kinontra ng Department of Health (DOH) ang dahilan na ito, iginiit na wala namang influenza outbreak. Iniulat pa ni Health Secretary Ted Herbosa na bumaba pa nga ang mga naiulat na kaso ng influenza-like illness (ILI) mula noong nakaraang taon at dumausdos nang halos 40 porsiyento sa unang bahagi ng Oktubre kompara sa sinusundang dalawang linggo. Klinaro rin ng DOH na walang pinaplanong lockdown at wala rin dahilan upang maalarma ang publiko. Kung hindi pala totoo ang banta sa kalusugan, ano kung ganoon ang tinutugunan ng gobyerno?
Ito ang suspetsa ng marami: na ang dalawang araw na suspensiyon ng klase ay walang kaugnayan sa trangkaso kundi tungkol sa takot — takot na ang mga luma at posibleng substandard na school buildings ng bansa ay hindi makayanan ang mga lindol na sunod-sunod na nagpapayanig sa bansa sa nakalipas na mga linggo. Mula sa Ilocos hanggang Zambales, Cebu hanggang Davao Oriental, gumagalaw ang mga fault line at nakababahala ang magkakasunod at karamihan ay malalakas na lindol. At sa isang bansa na matagal nang problemado sa korupsiyon sa mga pagawaing pampubliko, ang anumang pag-amin ng kahinaan ay maaaring pagmulan ng bitak sa ugnayang politikal na mas malawak pa sa maaaring sapitin sa pisikal na kapaligiran.
Sa nakalipas na mga dekada, hindi nawawala ang mga akusasyon na tinitipid ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga proyektong impraestruktura nito para may makubrang kickback ang mga kinauukulan, kaya naman hindi magagarantiyahan ang kaligtasan ng mga itinatayo nilang estruktura. Sakaling tumama bukas ang “The Big One” ang pagguho ng isang paaralan, na tinipid ang pagpapagawa, ay maaaring magbunsod ng malawakang galit ng publiko — isang trahedya na hindi lamang maglalantad sa mga bitak sa pader kundi maging sa sira-sirang sistema.
Para maging patas, tama naman ang panawagan ng DepEd para sa pag-iinspeksiyon. Ang kuwestiyonable ay ang cover story sa suspensiyon ng klase. Kung kalusugan talaga ang totoong dahilan, hindi sasapat ang dalawang araw upang mapigilan ang hawahan ng sakit. Kung paiiralin ang common sense, hindi bababa sa isa hanggang dalawang linggo ang kakailanganin na online learning. Sa halip, itinago pa ng gobyerno ang lehitimong safety check sa isang pag-iwas kuno sa outbreak, na hindi naman talaga umiiral.
Ang kailangan talaga ay ang harapin ng gobyerno ang katotohanan: ang The Big One ay hindi kung mangyayari nga ito, kundi kung kailan ito mangyayari. Ang tamang paraan ay ang ideklara ang panganib, aminin ang pangangailangang alamin ang kakayahan ng mga estruktura, at isapubliko ang mga natuklasan sa pagsusuri sa bawat school building — upang alam ng mga magulang at mga guro ang panganib na kanilang kinakaharap; upang maliwanag ang mga emergency measures na kailangang isagawa at kabisado ito ng mga estudyante, guro, at first responders; at upang agarang maisaayos at gawing matibay ang mahihinang estruktura. At kung ang isang gusali ay hindi na talaga ligtas, wala dapat bata ang hayaang pumasok at mag-aral doon. ‘Yan ang tunay na paraan ng pagtugon sa takot at panganib — hindi sa mga palusot, kundi sa aksiyon, transparency, at katotohanan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com