SIPAT
ni Mat Vicencio
“WALA po akong bicam insertions. Wala sa unprogrmmed funds. PERIOD. Isa pa, hindi ako pumirma sa bicam at bumoto rin ng NO sa kontrobersiyal na 2025 budget.”
Ito ang pahayag ni Senator Risa Hontiveros kaugnay sa akusasyon ng sikat na broadcaster na si Anthony “Ka Tunying” Taberna na nagkaroon ng ‘insertion’ ang senadora sa 2025 national budget.
Ang katagang ‘insertion’ ay may masamang pakahulugan at kaagad na maaaring sabihin na nagkaroon ng maanomalyang ginawa ang isang senador sa bicam dahil sa mabilis at kaduda-duda nitong proseso.
Pero kahit saang anggulo tingnan, magkaiba ang katagang ‘isiningit’ kung ihahambing sa salitang ‘susog.’ Hindi ito magkapareho tulad ng sinasabi ni Ka Tunying sa kanyang programa o social media post.
Mali si Ka Tunying dahil ang amendment o susog ang tanging kinikilalang termino sa ating Konstitusyon. Walang salitang ‘insertion’ sa anumang probisyon o opisyal na proseso ng pag-aproba ng pambansang budget.
Ayon kay Fiscal Erwin James Fabriga, sa ilalim ng 1987 Constitution, Article 6, Section 24, may kapangyarihan ang isang senador na magmungkahi ng amendments, puwedeng dagdagan, bawasan o-realign ang pondo. Pero dapat gawin ito habang bukas ang plenaryo, may debate, tala sa opisyal na journal ng Senado. Ginagawa ito sa liwanag, transparent at accountability at bahagi ng lehitimong demokratikong proseso at malinaw kung sino ang nagpanukala.
Ang ‘insertion’ ay hindi legal na termino at ginagamit ito bilang isang political shorthand para sa mga pondong idinagdag matapos maisara ang plenaryo.
Kaya nga, kahit na pagbali-baliktarin ang argumento ni Ka Tunying, iisa lang ang sagot ni Risa… “Bumoto ako ng NO sa 2025 budget!”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com