FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NITONG nakaraang linggo, inianunsiyo ng Malacañang na aabot sa 20,000 reports ang dumagsa sa Sumbong sa Pangulo. Binaha ng reklamo ng publiko ang online platform ni Bongbong Marcos, karamihan ay tungkol sa mga kuwestiyonableng public works project.
Ang nasabing bilang ay ikinayanig na dapat ng Malacañang at ng kanyang gobyerno, gaya ng magkasunod na lindol na tumama sa Cebu at Davao Oriental. Hindi lang simpleng tambak na reklamo ang mga ito — maikokompara na sa tectonic plates na pinagalaw ng galit ng taong-bayan, naglalantad sa kabulukan na matagal nang itinatago ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na pinalala nang pagkakaluklok kay Marcos Jr. sa pagkapangulo noong 2022.
Sa ilalim ng pamamahala ng bagong kalihim ng DPWH — na kilala na ngayon bilang nangunguna sa reporma — kinompirma sa isang nationwide audit na mayroong 421 ghost projects mula sa 8,000. Mismong si Secretary Vince Dizon ang nag-validate ng bilang na ito, na nadadagdagan kada araw habang unti-unti na siyang namamanhid sa sangkatutak na pruweba ng korupsiyon mula sa mga ‘bad apples’ ng kagawaran.
Sa katunayan, ang kanyang vetting process ay umusad na mula sa pagbubunyag ng mga pekeng flood control works at mga kahina-hinalang kontrata hanggang sa pagkakadiskubre sa mga paulit-ulit na paghuhukay at pagsasaayos ng parehong mga kalsada — lahat ay pinapalabas bilang “road reblocking.” Sa kasalukuyan, ipinag-utos na ni Dizon ang indefinite suspension ng mga nasabing pagawain, tinuligsa ang matagal nang alam ng publiko pero walang sinuman sa DPWH ang aamin: pinagkakitaan ang paghuhukay sa mga kalsada. At kumita pa uli sa muling pagsasaayos ng mga ito.
Habang mukhang seryoso si Dizon sa paghihigpit sa nagsiluwagan nang turnilyo sa DPWH, ang tanging ginagawa ni Marcos ay bigyan ang pursigidong miyembro ng kanyang Gabinete ng mga tunay na kaalyado na kinakailangan sa pagpapatino sa kagawaran. Ngayon, bagamat mukhang tama at legal ang pagkakatalaga kamakailan kay Nicasio Conti bilang DPWH undersecretary — kapalit ng kaduda-dudang hinalinhan niya — medyo nag-aalangan ako.
Ipapaliwanag ko. Si Conti, bilang dating namumuno sa Presidential Commission on Good Government (PCGG), ay inatasan noon sa pagbawi sa alin nga? Sagot: ang ill-gotten wealth na hinakot sa panahon ng 20-taong rehimen ni Ferdinand E. Marcos, ama ng kasalukuyang presidente. Well, hindi ko alam kung naging matagumpay ba si Conti sa pagtupad sa tungkulin niyang ito.
Kaya ito ang tanong ng Firing Line: Kaya ba ng isang hindi magawang mabawi ang bilyon-bilyong piso na ninakaw noon sa kaban ng bayan na mabantayan ngayon ang trilyon-trilyong piso ng mga pagawain?
Ang santambak na sumbong na bumaha sa Malacañang ay sumasalamin sa sobra nang pagkaumay ng publiko sa paulit-ulit na lang na korupsiyon at kunwaring mga audit.
Ngayong kabi-kabila ang naitatalang pagyanig sa mga probinsiya sa Luzon, sa Visayas, hanggang sa Mindanao sa nakalipas na mga linggo, mistulang tumutulong na ang langit sa paglalantad sa mga panlalamang na ginagawa ng DPWH sa mga kalsada, tulay, gusali ng gobyerno, eskuwelahan, at iba pang mga pampublikong impraestruktura.
At bagamat ayoko namang sabihin ito na parang nananakot, hindi matatapos ang mga pagyanig — hindi sa ating mga lungsod, hindi sa ating mga konsensiya, hanggang sa walang pagsisisi na hahantong lang sa simpleng auditing o suspensiyon. Dapat na may maparusahan at mapanagot. Kasunod nito, dapat na may pagbabago sa pamamahala, sa sistema, sa diwa ng serbisyo, at sa mismong pagkatao ng mga namumuno at sumusunod sa kanila.
Hanggang hindi nangyayari ito, magbibitak lang muli ang isa pang fault line sa umiiral na demokrasya sa atin. At darating ang araw na hindi lamang mga tulay ang guguho.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com