HARD TALK
ni Pilar Mateo
BAYANIVERSE.
Tatlong istorya ng ating mga bayani.
Nasa ikatlo na ngayon. Ang kwento naman sa naging pangulo ng Republika sa Commonwealth Government. Si Manuel Luis Quezon.
Isasalaysay sa pelikula ni Jerrold Tarog ang buhay, pag-ibig at mga naging hamon sa buhay ng naging Ama Ng Bayan sa maraming paraan.
Saksihan at panoorin sa Miyerkoles, Oktubre 15, 2025 sa mga sinehan. Ginawaran ito ng rating na PG ng MTRCB.
Kwento ng bida nito na si Jericho Rosales sa ginanap na grand mediacon ng pelikula sa Bulwagan ng Manila Hotel—na makailang ulit ding naging saksi sa mga pangyayari sa buhay ng dating pangulo—madalas nga na palakol ang gradong nakukuha niya sa mga Araling Panlipunan at History subjects noong nag-aaral siya. Kundi bagsak, pasang-awa.
Boring para sa kanya ang mga paksa tungkol sa kasaysayan, lalo na sa ating bansa. Na pawang mga petsa ang inuukilkil sa kukote ng estudyante at ipinapa-memorya, at ‘di naipaliwanag nang maayos kung ano ang nasa mga aklat.
Nang gawin niya ang Quezon at isabuhay ang katauhan nito, maraming bagay ang nabuksan kay Jericho sampu ng mga kasama sa cast na ipinrodyus ng TBA Studios na pelikula.
Maayos na naipakikilala ni direk Jerrold ang kabuluhan ng iba’t ibang klase ng mga bayani sa tatlo niyang pelikula.
Mula kay Heneral Antonio Luna. Patungo kay Goyo o Gregorio del Pilar. At ngayon, kay Quezon.
Maski tayo maraming matututunan at matutuklasan sa naging hamon ng mga pangyayari sa mga kinaharap niya sa maraming sambalilong isinuot niya.
Ipagmamalaki ang cast na isinama sa pelikula gaya nina Karylle, Angeli Bayani, Ana Abad Santos, Therese Malvar, Jake Macaagal, Mon Confiado, Arron Villaflor, Romnick Sarmenta, Ketchup Eusebio, JC Santos, Benjamin Alves, at mula sa Game of Thrones na si Iain Glen.
Nakae-excite.
Residente ako ng lungsod Quezon. Biruin mo ka-bertdey ko siya?
Nineteen fifty nine ako. Pero noong Oktubre 12, 1939, ang charter ng lungsod ay ipinatupad sa Commonwealth Act No. 502. Para sana sa Lungsod ng Balintawak. Pero ini-revise ito kaya naman habang buhay pa ang Pangulong Quezon ipinangalan ito sa kanya. At noong Oktubre 12, 1949 ang kapital ng bansa ay nailipat sa Lungsod Quezon. Na ibinalik sa Maynila noong 1976.
O, ‘di ba? May nakakalkal sa aklat ng kasaysayan.
Salamat sa mga nag-produce nito. Kaya yayain na ang buong pamilya sa mga sinehan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com