ni Allan Sancon
INILUNSAD ng Viva Films Production ang Kauna-unahang CineSilip Film Festival, isang plataporma na nakatuon sa pagpapakita ng pinakamahuhusay na talento sa paggawa ng pelikula sa bansa.
Ipalalabas ang mga pelikulang kalahok sa CineSilip mula Oktubre 22 hanggang 28, 2025 sa piling Ayala Malls Cinemas.
Layunin ng CineSilip na ipakita at itaguyod ang husay, sining, at pagkamalikhain ng mga bagong umuusbong na direktor na Filipino.
Tampok ang pitong pelikulang nagbibigay ng kalayaan sa mga direktor at manunulat na lumikha ng mga kwentong makakakapit sa damdamin ng mga manonood at huhubog sa imahinasyon. Ang mga pelikulang ito ay may temang pang-adult at sumasaklaw sa iba’t ibang genre tulad ng horror, komedya, at drama.
Tampok sa festival ang mga pelikulang Ang Lihim ni Maria Makinang, isang coming-of-age drama na idinirehe ni Gian Arre, tampok sina Gold Aceron, Aiko Garcia, at Mercedes Cabral; Babae sa Butas, isang erotic drama-comedy na idinirehe ni Rhance Añonuevo-Cariño, tampok sina Van Allen Ong at Vern Kaye; Dreamboi, isang erotic psychological drama na idinirehe ni Rodina Singh, tampok sina Tony Labrusca at EJ Jallorina.
Kasama rin ang Haplos sa Hangin, isang erotic horror film na idinirehe ni Mikko Baldoza, tampok sinaMartin Del Rosario at Denise Esteban; Maria Azama: Da Best P*Rn Star, isang sexy-comedy na idinirehe ni Alan Habon, tampok sina Albie Casiño at Dani Yoshida; Pagdaong, romantic drama na idinirehe ni Pongs Leonardo, tampok sina Angela Morena at Astrid Lee; at Salikmata, isang erotic-thriller na idinirehe ni BC Amparado, tampok sina Aliya Raymundo at Aerol Carmelo, mula sa panulat ng kapwa Kapampangan ni Amparado na si Jason Paul Laxamana.
“Isang malaking karangalang maging bahagi ng kauna-unahang CineSilip Film Festival. First time kong gagawin ang ganito ka-grabeng erotic film,” sambit ni Martin.
“Kakaibang karakter ang aking gagampanan sa pelikulang ‘Dreamboi, hindi lang sa look maging sa role na gagawin ko,” pahayag naman ni Tony.
Gaganapin ang CineSilip Film Festival sa Oktubre 22 to 28, 2025. Gaganapin naman ang awards night ngayong Oktubre 27, 2025 sa Viva Cafe.
Huwag palampasin ang pagkakataong maging bahagi ng CineSilip Film Festival at damhin ang pitong pelikulang puno ng tapang, pag-ibig, at pagnanasa—mga kwentong humahamon, nagpapaisip, at nagtutulak sa mga hangganan ng Filipino filmmaking.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com