PADAYON
ni Teddy Brul
NAKAGUGULAT ang biglaang pagkakatanggal kay General Nicolas Torre III bilang hepe ng PNP. Tatlong araw na lang para makompleto sana niya ang ikatlong buwan sa puwesto.
Itinalaga siya ni Pangulong Marcos noong Mayo, pero sa loob lang ng 85 araw, natapos agad ang kanyang panunungkulan. Isa ito sa pinakamaikling termino ng isang PNP chief sa kasaysayan.
Gayunman, hindi matatawaran ang kanyang naging papel. Siya ang nasa likod ng malalaking operasyon — kabilang na ang pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte noong Marso at sa umano’y human trafficker na si Apollo Quiboloy noong Setyembre 2024.
Kompirmado mula mismo sa Palasyo: ang utos ng pagtanggal ay galing sa Commander-in-Chief noong Agosto 25. Ngunit tanong ng marami: simpleng banggaan lang ba ito sa loob ng pulisya, o may mas malalim pang dahilan?
May mga bulungan sa hanay ng seguridad na isang P8-bilyong budget insertion ang ugat ng gusot. Nakatali ito sa programang tinawag na “Firearms Capability Enhancement” na layong bumili ng 80,000 assault rifles. Para sa iba, bagay ang ganitong armas sa militar, pero hindi sa pulisya.
Tumindig umano si Torre at hindi pumayag sa panukalang ito. Para sa ilan, ang kanyang pagtanggi ang nagbunsod ng pagbagsak niya. Lalo pang lumala ang sitwasyon nang magkaroon ng reshuffling kung saan nadamay ang mga kaalyado ng makapangyarihang opisyal, dahilan para mabawasan ang kanyang suporta.
Sa simula pa lang, malinaw ang dala niyang bisyon: mabilis na serbisyo publiko, pagbubuo ng pagkakaisa at moral sa hanay ng mga pulis, at paniningil ng pananagutan sa lahat ng antas. Ngunit ang kanyang hangaring mamuno nang may integridad ay napigilan.
Kahit ano pa ang tunay na dahilan, malinaw ang aral: nananatiling magulo ang ugnayan ng politika, badyet, at pamumuno sa pulisya.
Sa huli, ang heneral na nanindigan ay pinilit lisanin ang kanyang puwesto.
Walongpu’t-limang araw lang siya sa trono — at si Torre ay na-knockout bago pa man tumunog ang kampana sa susunod na round.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com